IGINAGALANG ng Malacañang ang desisyon ng Amerika na palawigin ang temporary ban sa work visas ng mga dayuhan.
Katuwiran ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang hakbang ng Estados Unidos (US) ay pareho sa ipinatupad ng administrasyong Duterte nang pansamantalang suspendehin ang pag-isyu ng visa sa lahat ng dayuhan bilang pag-iingat sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
“We respect that decision kasi tayo nga po hindi rin tayo nagpapasok ng mga work visa holders. ‘Yan ang naging desisyon ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases),” ani Roque sa virtual press briefing kahapon.
“Sovereign states can decide on these matters,” aniya.
Napaulat na nagdesisyon si US President Donald Trump na palawigin hanggang katapusan ng taon ang ban sa US work visas upang mabigyan ng proteksiyon sa trabaho ang mga obrerong Amerikano sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Kaugnay nito, pinag-aaralan ng IATF ang panukalang tuldukan ang travel ban sa mga dayuhan sa Filipinas.
Ang bagong panel na magsasagawa ng pag-aaral ay binubuo ng Department of Tourism (DOT), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Finance (DOF), Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration (BI), Department of Health (DOH), Bureau of Quarantine, at Board of Investments. (ROSE NOVENARIO)