ISA sa concern ngayon ng mga magulang na nagpapaaral ng mga anak sa pribadong paaralan ‘e ‘yung hindi nabawasan ang tuition fees, bagkus ay tumaas pa nga.
‘Yan ay kahit online classes o blended learning na ang ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ngayong Academic Year 2020-2021.
Lahat ng mga magulang ngayon ay naka-focus kung paano isasaayos ang study station ng kanilang mga anak para maging conducive sa kanilang pag-aaral.
Kaya ibig sabihin gagastos sila lalo kung wala pang study room ang kanilang anak o mga anak.
Ibig sabihin din, hindi na papasok ang kanilang mga anak sa eskuwela at ang airconditioned classrooms ay hindi magagamit araw-araw kaya medyo makatitipid sa koryente ang mga eskuwelahan. Ganoon din ang ibang school facilities, tiyak na hindi magagamit maliban siguro kapag lumuwag-luwag ang panahon at/o maresolba nang mas maaga kung paanong maglalaho itong coronavirus.
Sa kabila niyan, nanatili ang tanong ng mga magulang, hindi ba mababawasan ang tuition fees ng kanilang mga anak gayong hindi naman sila gagamit ng school facilities?!
Sa halip, mas tataas ang konsumo nila ng koryente sa bahay dahil buong araw na nandoon ang mga anak nilang nag-aaral.
Palagay natin ‘e kailangan itong pag-aralan ng DepEd at ng private schools administrators para naman mapagaan din ang dalahin ng mga magulang.
Puwede po bang pag-aralan ninyo ‘yan kaysa naman lumiit ang enrolment ninyo kapag nagdesisyon ang mga magulang na huwag na munang i-enrol ang kanilang mga anak?!
Bakit hindi ninyo subukan, DepEd and private schools administrators… please?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap