INIREKOMENDA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sampahan ng kaso sa Ombudsman ang 20 barangay officials sa National Capital Region dahil sa paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ) protocols na ipinairal sa bansa dahil sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19) .
“We want to send a message sa mga pasaway na barangay official that the DILG will not tolerate any violation of ECQ protocols. As government officials, we should take the lead in following the law and not in breaking it,” ayon kay DILG Secretary Eduardo Año.
Sa isang liham kay Ombudsman Samuel Martires, may petsang 16 Hunyo 2020, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, ang 20 barangay officials ay pinadalhan nila ng show cause orders, alinsunod sa Administrative Order No. 267.
Matapos hindi masiyahan sa paliwanag ng mga opisyal, sinabi ni Diño, nakakita ang ahensiya ng sapat na ebidensiya at basehan para bigyang katuwiran ang kanilang endorsement sa Office of the Ombudsman alinsunod sa Section 21 at 26 ng Republic Act 6770.
“Patong-patong ang mga reklamo at sumbong na natanggap namin laban sa kanila kaya sa kabila ng kanilang sagot sa show cause order ay minabuti naming ipadala sa Ombudsman ang mga ebidensiyang aming nakalap,” paliwanag ni Diño.
Sa 20 punong barangays, lima ang mula sa Caloocan City; lima sa Quezon City; dalawa mula sa Parañaque City; at tig-isa naman sa mga lungsod ng Mandaluyong, Las Piñas, Maynila, Makati, Pasay, Taguig, Marikina, at Muntinlupa.
Kabilang sa mga kinasasangkutan paglabag ng nasabing barangay officials ang implementasyon ng physical distancing sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga mamamayan sa barangay, tupada, sugal, hindi mahigpit na pagpapairal ng lockdown protocols dahil nagagawa pang maglaro ng mga bata sa mga kalsada, kapabayaan, gross neglect of duty, at iba pa.
Ang mga ulat ng anomalya na may kinalaman sa Social Amelioration Program (SAP) ay inendoso sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para sa case build-up at paghahain ng mga kasong kriminal.
“Sa pamamagitan ng mga reklamong nakararating sa amin through government hotlines, social media, through texts and email, at mayroon pang nagpupunta mismo dito sa DILG Central Office nagkakaroon tayo ng lead na iniimbestigahan natin. I organized several teams na personal na pinupuntahan ang mga barangay at mga nagreklamo para tiyaking tama at may basehan ang reklamo,” paliwanag ni Diño.
Karamihan aniya sa mga kaso ay balido dahil hindi isolated incidents at maraming kaso ang inihain ng iba’t ibang indibidwal.
“Alam mo kadalasan, may 50 reklamong nakaaabot sa amin para lamang sa isang opisyal ng barangay. Doon pa lang malalaman mo na hindi lang pamomolitika kundi talagang mataas ang probability na may ginawa talagang mali.”
Sinabi ni Diño, makaaasa ang publiko na mas marami pang kaso ang makararating sa Office of the Ombudsman dahil masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang kanyang tanggapan sa mahigit 100 barangay executives dahil sa iba’t ibang uri ng paglabag sa ECQ. (ALMAR DANGUILAN)