ISANG Chinese company na matatagpuan sa Mandaluyong City ang nagbigay ng tulong pinansiyal kahapon sa mga pamilya sa Barangay Addition Hills na naapektohan ng magkahiwalay na sunog noong unang linggo ng Hunyo nitong taon.
Ang ZX-Pro Technologies Corporation ay nakipag-ugnayan kay dating Mayor Benhur Abalos para ipahatid ang kanilang tulong para sa mga nasabing pamilya ng lungsod.
Sinamahan ni Abalos ang mga kinatawan ng ZX-Pro sa Addition Hills Integrated School (AHIS) at sa Pleasant Hills Elementary School nitong 17 Hunyo at doon ibinahagi ang P1,382,000 sa 1,382 pamilya.
Bawat isang pamilya ay tumanggap ng P1,000 bilang karagdagang pambili ng mga materyal para sa muling pagpapatayo ng kanilang bahay. Ang mga pamilyang nabanggit ay mga residente sa Block 37, 38, at Block tr30 UBAC Compound na tinamaan ng sunog noong 1 at 6 Hunyo nitong taon.
Sinabi ni Abalos, isa ang ZX-Pro sa mga pribadong kompanya na maagang nagpaabot ng donasyon sa Mandaluyong City.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbigay ng mga personal protective equipment (PPEs) sa medical frontliners sa lungsod.
“Noong nagsimula ang COVID-19 pandemic, ang supply ng PPE ng ating mga ospital ay tatagal lamang ng isang linggo. Ang ZX-Pro ang nag-donate ng milyon milyong PPEs sa lungsod. Kung wala iyon, matagal na sanang natigil ang pagseserbisyo ng ating medical frontliners.”
Ani Abalos, patuloy na magbibigay ang nasabing kompanya ng iba pang donasyon sa pamahalaang lungsod.
Habang ginagawa ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasunugan, sinabi nila na ipagpapatuloy nila ang kanilang partnership sa pamahalaang lungsod.
Plano nilang magbigay ng healthcare at educational sponsorships para sa mga kabataang Mandaleño.
Sa ngalan ng Lungsod ng Mandaluyong, pinasalamatan ni Abalos ang ZX-Pro Technologies sa kanilang patuloy na pagtulong, lalo sa mga naapektohan na sunog sa Barangay Addition Hills habang umiiral ang pandemyang COVID-19.