BUMUBUHOS ang taos-pusong pasasalamat mula sa mga siklista dahil sa bike lane na inilatag sa Laguna Lake Highway na proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte, at naisakatuparan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna ni Secretary Mark Villar dahil ligtas na silang makapagbibisikleta sa kalsada.
Ayon sa siklistang si Enrique Tija, 43-anyos na residente sa Barangay Napindan, ang bike lane ay malaking tulong sa kanya at mga kaibigan niyang palaging nagbibisikleta.
“Kada Linggo, nagbibisikleta kami rito at nag-eensayo… ang ibang tao rin na pumapasok sa trabaho ay dumaraan dito nang ligtas at ‘di masasagi ng mga sasakyan o motorsiklo,” wika ni Tija.
Dagdag niya, isyu talaga ang kaligtasan ng nagbibisikleta sa kalsada, isa sa kanyang anak ay naputulan ng dalawang daliri sa aksidente habang nagbibisikleta. Nagulungan ng jeep ang kanyang daliri nang maitukod niya ito upang hindi bumagsak sa semento.
Ang jeepney driver na si Reymond Banaba, 49, ay nagpupunta rin sa Laguna Lake Highway upang mag-bike: “Maayos dito sa Taguig dahil may proteksiyon ang lugar sa mga nagbibisikleta bukod pa sa magiging malusog at mananatiling aktibo ang aming katawan. Dati, hindi ligtas ang lugar na ito para magbisikleta ngunit nang ma-develop ito, nakahiwalay na ang bike lane sa main road kaya ligtas at protektado kami sa mga humaharurot na sasakyan.”
Inilunsad nitong Pebrero 2019, ang kalsadang 3-metrong lawak at 5.8 kilometrong layo, sinabing kauna-unahang protected bike lane sa Philippine national highway, isang modelo para sa luma at bagong kalsada na malawak para lagyan ng bike lane.
Ang lane ay hiwalay sa highway at mayroong planting strip, upang masiguro ang permanent structure na nagbibigay proteksiyon sa mga biker laban sa mabilis na daloy ng sasakyan.
Ang lugar ay mayroon din maliwanag na streetlights at road signages para dagdag kaligtasan.
“Ito ay napakahalagang hakbang tungo sa maayos na kapaligiran at itong bike lane ay isa sa maayos na inisyatibo,” ayon kay Primo Longos, 62 anyo, isang biking enthusiast simula pa noong 1980s.
“Malaking tulong ito lalo sa mga nakatatandang siklistang kagaya ko. Isipin mo na lang na delikdao kaming humalo sa mabibilis na sasakyan sa kalsada,” aniya.
Ang Taguig City, kamakailan ay nagtayo ng 5.8-kilometrong protected bike lane na bahagi ng komprehensibong pagsulong sa pagbibisikleta bilang alternatibong paraan ng transportasyon ng mga manggagawa at residente.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Taguig na ang protected bike lane ay mananatiling ligtas at malinis, may bagong pintura bilang bahagi ng World Bike Day celebrations noong 3 Hunyo. Mayroon din itong directional signages na ikinabit.
“Lahat po ay welcome na lumahok sa Taguig sa bagong inisyatibo na gumamit ng bike lane sa kanilang pagbibisikleta,” ayon kay Mayor Lino Cayetano.
“Gamitin po natin ito dahil ito ay ligtas bilang bahagi ng in-city biking spot sa siyudad. Libre po ito para sa lahat,” anang alkalde.
“Ang proyekto ay isang bahagi ng multi-step approach upang i-promote ang pagbibisikleta sa Taguig. Sa 3 Hunyo, mayroon na pong bike lanes sa Cayetano Boulevard at Bayani Road para sa tatlong araw na demonstrasyon upang subukan ang dami ng magbibisikleta na maaaring gumamit ng daan na nakatalaga sa kanila lalo na ngayong general community quarantine (GCQ) na mabisa ang integrated bike path sa loob ng siyudad,” ani Mayor Cayetano.
Noong 1 Hunyo, ang Taguig ay nagpasa ng “Bike-Friendly Taguig Ordinance” na nagtatag ng Active Transport Office upang tutukan ang pagsulong ng pagbibisikleta ng publiko at paramihin ang bike-friendly spots sa lungsod.
“Magandang dagdag ang bike lanes sa aming pagbibisikleta,” saad ni Remigio Belen, 68.
“Mainam na magkaroon nito na ‘di kalayuan sa aming lugar, at kung marami pa ang kagaya nito tiyak mas darami ang mahihikayat na gumamit ng bisikleta na tulong sa kapaligiran at kalinisan ng hangin,”
Dagdag ni Banaba: “Pangarap ko talaga ng mas maraming bike-friendly roads. Ito ay sa kapakanan ng maraming nagbibisikleta na manatiling ligtas kami sa maraming lugar,”
Sabi naman ni Geminiano Joya, isang senior citizen at retired policeman: “Kung maraming maayos na bike lanes sa Taguig, marami rin ang makikinabang na tao. Ligtas kami pati na rin ang iba na nagbibisikleta papasok sa trabaho.”
Ang “Bike-Friendly Taguig Ordinance” ay may layunin din na hikayatin ang city hall employees, law enforcers at public health workers na mag-avail ng bike-lending program.
Ang Taguig ay nakikipag-ugnayan na sa business sector upang maparami pa ang bike-friendly places at facilities, kasama ang protected lanes, showers at restrooms para sa cyclists at maging ang mga bike rack.
Plano rin na hikayatin ang mga negosyante na magbigay ng insentibo sa mga manggagawa na gagamit ng bisikleta.
Maglalabas din ang Taguig City ng buwanang “Bike-Friendly Map” sa I Love Taguig Facebook page upang ipaalam ang mga bagong bike lanes at cyclist-friendly facilities. Ang bike lane sa Laguna Lake Highway ay isa nang permanenteng spot sa mapa.