AMINADO ang magandang teenstar na si Jillian Ward na sobra siyang natuwa nang maging bahagi siya ng top rating TV series ng Kapuso Network titled Prima Donnas.
Saad niya, “Sobrang natuwa po ako noong una kong nalaman na part po ako ng Prima Donnas. Bale, first bida ko rin po bilang dalaga. Na-pressure rin po, kasi alam kong may lalim talaga po ‘yung character ko rito and ito po talaga ‘yung pag-blossom ko sa pagiging mas mature na aktres.
“Ito na rin po talaga ‘yung start ng pagiging dalaga ko nga po. Bukod sa mas may lalim, mas seryoso na po iyong ginagawa ko ngayon.”
Gumaganap si Jillian sa naturang serye ng GMA-7 bilang si Donna Marie, ang pinakaresponsable sa tatlong magkakapatid na Donna. Itinuturing niyang biggest break ang naturang serye na tinatampukan din nina Aiko Melendez, Wendell Ramos, Katrina Halili, Chanda Romero, Benjie Paras, Sofia Pablo, Althea Ablan, Miggs Cuaderno, at iba pa.
Nabanggit din ni Jillian na happy siya sa mataas nilang ratings. “Opo! Nagte-ten percent po kami, kaya sobrang grateful po kaming lahat na parte ng Prima Donnas.
“Regalo po talaga sa amin ni God ito, lalo na po sa aming mga teens dahil I’m sure, rito rin po sila pinakanatuto sa pag-arte, katulad ko.”
Ayon pa kay Jillian, excited na siyang magbalik-taping sa kanilang serye, kaya wish niyang huwag nang maging matigas ng ulo ng iba para matapos na ang pangamba ng lahat sa COVID-19. “Sobrang excited na po kaming lahat, pero sa ngayon po, siyempre stay at home muna para safe po ang lahat.
“Ipinagdarasal ko nga po na wala nang matigas ang ulo para makabalik na rin po kami sa TV at magpasaya na muli ng mga tao, ng mga suking televiewers ng Prima Donnas. At siyempre po, kasama sa dasal ko lagi na maging okay na po talaga ang lahat, iyong parang maging back to nomal na rin po tayong lahat,” aniya pa.
Ano ang kanyang dream role? “Gusto ko pong mag-portray ng character na may mental disability, para po maka-spread din ako ng awareness sa mga kapwa Filipino po natin. Para sa akin po, feeling ko iyon ang pinaka-challenging dahil hindi po natin alam kung ano talaga ‘yung nafi-feel nila or gaano ‘yung hirap na pinagdaraanan nila. Lalo na po, punong-puno ng judgement ang mundo,” aniya pa.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio