BUHAY-BAGUIO CITY, marami ang nangarap na mamuhay sa kilalang summer capital ng Filipinas. Pangunahing dahilan ang masarap na klima, malamig at maulan-ulan din. Basta ang dahilan ay masarap na klima – hindi mainit, hindi ka masyadong pressured. Talagang relaxing ang buhay sa lungsod.
Bukod dito, araw-araw fresh ang niluluto mong gulay – manamis-namis ang mga bagong pitas na gulay.
Nasubukan na rin natin ang buhay-Baguio, ibang-iba nga. Hahanap-hanapin mo lalo kapag narito ka sa mainit at maalinsangang panahon sa Metro Manila.
E ngayon, nasa ilalim ng community quarantine ang bansa, kumusta naman kaya ang Baguio? Masarap pa rin kaya mamuhay doon sa kabila ng dinaranas nating pandemic dahil COVID 19?
Oo naman, masarap pa rin ang buhay-Baguio kahit nasa pandemic. Malamig pa rin kasi at nandiyan pa rin ang mga fresh na mga gulay at prutas. Pero ito nga ba ang dahilan para masabing mas okey pa rin ang buhay – Baguio ngayong pandemic?
Buhay – pandemic sa Baguio? Saludo tayo sa lahat ng mamamayan ng lungsod. Napakadisiplinado ng lalat. Hindi hirap ang lokal na pamahalaan sa pagpapasunod sa mamamayan sa ipinaiiral na health safety protocols dito.
Kapag sinabing bawal, lahat ay sumusunod dahil batid nilang para na rin ito sa kaligtasan ng kanilang pamilya.
Talagang estriktong ipinatutupad ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang health protocols at talagang pinapatawan ng kaparusahan ang lalabag.
Bunga ng pagkadisiplina ng mamamayan, nasaan ang Baguio ngayon panahon ng pandemic? Isa sa pinakaseguradong lugar sa bansa.
Mabilis na nakontrol ng lokal na pamahalaan ang pagkalat ng virus sa lungsod – dumating pa nga iyong panahon na halos tatlong linggo o higit pa na walang naitalang COVID-19 infected ang lungsod.
Kung ayuda ang pag-uusapan, hindi rin nagkulang ang Baguio LGU. Katunayan, hindi nga hirap ang LGU sa pagbibigay ng sapat na ayuda (relief goods) sa mga residente ng lungsod dahil ‘umulan’ ng relief goods ang lungsod.
Ipinamimigay ng mga magsasaka ng Benguet ang kanilang mga aning gulay sa mga residente. Kaya sagana sa makakain ang mamamayan ng Baguio. Wala namang hindi kumakain ng gulay sa lungsod.
Sa pamamalengke, pamimili ng groceries, at iba pang gawain, ang lahat ay sumusunod sa takdang schedule. Bawat distrito o barangay ay may nakalaang schedule para sa mamamayan.
Lumalabas lamang ang mga residente (for errand) kapag schedule nila, maliban lang for emergency case. Kapag mamamalengke o maggo-grocery na hindi schedule ng inyong barangay kahit may dalang quarantine pass ay hindi makapapasok sa palengke o grocery at sa halip ay pauuwiin ka.
Hindi lang ito, hindi ka rin makapupunta sa iba pang lakad kung hindi pa schedule ng barangay mo. Kung baga, bawat barangay ay may market day o araw ng paglabas para sa mga importanteng lakad. Isa lang sa bawat pamilya ang puwedeng lumabas.
Sa pagiging disiplinado ng mga mamamayan bunga ng magandang halimbawa ni Magalong, napakasarap pa rin mamuhay sa lungsod kahit nasa pandemic. Safe na safe ang lungsod. Katunayan, apat na lamang ang nalalabing COVID-19 case sa lungsod at sila’y pagaling na rin.
Ngayong nasa modified general community quarantine (MGCQ), ang maganda sa Baguio ay nananatili pa rin ang lahat ng regulasyon – walang nabago mapa-ECQ man o mapa-GCQ ganoon pa rin ang kalakaran, hindi tulad sa Metro Manila na matitigas ang ulo ng nakararami lalo nang ilagay ang NCR sa MECQ at ngayon GCQ, hayun parang mga nakalabas sa kural at wala nang pakialam sa virus.
Hoy mga kolokoy! Nandiyan pa rin ang virus kahit na nasa GCQ na ang MM.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan