Nananatiling bukas ang mga tanggapan ng post office sa buong Pilipinas upang maghatid at tumanggap ng liham at parsela.
Ayon sa Philippine Postal Corporation o PHLPost, sinisiguro ng kanilang tanggapan na maihahatid ang mga ipinadadala ng publiko sa kabila ng ipinatutupad na Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) sa kalakhang Maynila at General Community Quarantine (GCQ) sa mga piling lugar sa bansa.
Ang mga lugar na nasa MECQ ay magpapatuloy sa pagbibigay ng limitadong serbisyo alinsunod sa pamantayang inilabas ng IATF.
Pinayagan ng pamahalaan na magpatuloy sa serbisyo ang PHLPost upang maghatid ng mga pangunahing serbisyo sa mamamayan.
Bagama’t limitado ang operasyon, inanunsyo ng PHLPost na bukas ang mga post offices sa NCR na nasa ilalim ng MECQ mula Martes hanggang Huwebes sa ganap na ika- 10:00 ng umaga hanggang ika 3:00 ng hapon.
Suspendido pa rin ang pagtanggap ng sulat at pakete papalabas ng bansa habang kanselado ang mga lokal at internasyonal na biyaheng panghimpapawid. Subalit, patuloy pa rin ang serbisyo ng PHLPost gamit ang land at sea transportation sa paghahatid ng mga padala sa mga probinsya.
Samantala, ang mga post offices sa siyudad at lalawigan na nasa ilalim ng GCQ ay magbubukas na mula Lunes hanggang Biyernes simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Sa Hunyo 01 na rin sila magsisimulang tumanggap at magproproseso ng Regular at Rush Postal ID alinsunod sa mahigpit na patakarang ipinatutupad ng pamahalaan tungkol sa kalusugan at kaligtasan sa panahon ng epidemya.
Prayoridad din ng PHLPost na ihatid ang mga express mails, mga ipinadadalang gamot, mabilis na masirang pagkain o bagay, pension/loans na tseke mula sa SSS at GSIS at mga naantalang padala simula ng community quarantine.
Bagama’t hindi maiwasan ang pagkaantala sa paghahatid ng mga sulat at pakete dahil sa epidemya, lubos ang kanilang paghingi ng pang-unawa at paumanhin dahil sa pangyayaring ito.
Gumagawa din ng mga hakbang ang PHLPost upang patuloy na mapaglingkuran ang mamamayan sa pamamagitan ng #PusongPHLPost tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga barangay at local officials, cargo/inter-island shipping lines papuntang probinsya, impormasyon at koordinasyon sa mga kliyente nito gamit ang facebook page na: https://www.facebook.com/PHLPost.