HINDI nga ba kinikilala ng Baguio City Police Department (BCPD) ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infection Diseases media identification card na inisyu ng Malacañang – Presidential Communications Operations Office (PCOO) thru International Press Center?
Inisyu ng PCOO ang ID sa media para gamitin sa coverage ngayong panahon ng pandemic saan man sulok ng bansa lalo na kung may daraanang PNP checkpoint. Kung baga, sa pamamagitan ng IATF ID ay maaaring makapasok ang isang mamamahayag sa isang lugar – bayan, siyudad o probinsiya/lalawigan man ito para makapagtrabaho (coverage).
E bakit tila hindi kinikilala ang media IATF ng BCPD? Ops teka, ang buong pulisya nga ba ng ahensiya ang hindi kumikilala o ang mga pulis na absent noong nagkaroon ng orientation para sa pagkilala sa IATF ID para sa media kaya hindi alam ang gagawin?
Maaari rin naroon ang pulis noong orientation pero hindi nakikinig, kaya kulang siya sa nalalaman hinggil sa IATF media ID.
Naitanong natin ito dahil tila may mga pulis-Baguio na walang nalalaman hinggil sa kung ano ang IATF media ID.
Nitong Biyernes, 29 Mayo 2020, umakyat tayo sa Baguio City para kumuha ng ilang situation report sa siyudad – maganda kasi ang kalakaran sa Baguio dahilan kaya mababa ang bilang ng COVID-19 patients doon. Kung baga, kontrolado ang pagkalat ng virus sa lungsod bunga ng disiplinang ipinakikita ng mga residente – sumusunod sila sa ipinaiiral na protocols ni Baguio Mayor Benjamin Magalong.
Dahil sa masunuring pagsunod ng mga residente sa kalakaran ng lokal na pamahalaan, mabilis na napababa o nakontrol ang virus simula noong March 15, 2020 na nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod hanggang maging General Community Quarantine (GCQ) nitong Mayo 2020.
Katunayan, dalawa lang ang COVID 19 patient sa lungsod at nasa recovery period na. Pagaling na ang dalawa. Congrats Mayor Magalong. At siyempre maraming salamat sa Diyos.
Pagpasok sa Baguio City partikular sa boundary ng lungsod at Tuba, Benguet may checkpoint dito.
Naturalmente ay may inspeksiyon. SOP iyan. Ipinakita natin ang IATF ID para makapasok pero ang nangyari, hindi kinilala ang IATF ID.
Bakit? Heto ang sagot ng ilang pulis maging ang team leader nila. Iyong IATF media ID ko ay “national” daw kasi. Ang dapat daw local para makapasok at makalabas ako sa lungsod. Ngek! Iyon daw permit “certificate” na galing sa IATF Baguio City.
Ipinakita ang sample sa atin – ang tinutukoy nila ay Inter-Region Work Clearance Certificate. Kaya, tablado ang IATF ID mula sa PCOO dahil “national’ daw ito. Bukod rito, heto pa ang katuwiran ng mga pulis sa checkpoint… ang IATF ID ay para lang daw sa papasok sa establishment. Ha! Alam kaya ng mga pulis ang kanilang pinagsasabi o kung ano ang ibig sabihin ng katuwiran nilang “national” daw ‘yong dala-dala kong ID.
Pero nakapasok din tayo – hindi naman tayo nakipagtalo, nang tawagan o makausap ng team leader si BC Police Director, P/Col. Allen CO. Uli, binilinan tayo ng team leader na dapat kumuha tayo ng certificate sa Baguio City Hall.
Ganoon ba iyon? Kahit na IATF ID (national) na ang bitbit natin ay tablado ito sa Baguio City? Ano pa man, naintidihan naman natin ang nais o kung may sariling kalakaran ang lokal na pamahalaan ng lungsod – para din sa seguridad ng mamamayan ng lungsod pero, ang nakatatawa lang din sa isa sa dahilan ay “national” daw iyong dala kong IATF ID at sa halip ang dapat daw ay “local.”
PCOO Sec. Martin Andanar, batid naman natin na hindi isang karapatan ang pagkakaroon ng IATF media ID at sa halip ay masasabing privilege pero, tanong ko lang kung hanggang saan lang puwedeng gamitin ang IATF media ID. Alam kong para lang ito sa trabaho pero…hanggang saan po ba?
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan