ISANG linggo ng pagbartolina ang muling dumaan at dalawang tulog na lang ay tapos na ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Hindi sukat akalain na pitumpo’t limang araw na pagkakulong na dinanas dahil sa pandemyang COVID-19 ay malapit na magwakas. Unti-unti natin maibabalik ang normal na buhay.
Pero magiging normal na ba?
Ang lockdown na ito ay isa sa pinakamahigpit sa buong Asya, dahil ang IATF ang ahensiyang binuo para harapin ang COVID-19 ay pinamunuan ng mga dating heneral.
Marami ang nagtaka dahil ang isang suliranin na katulad ng epidemya o pandemya ay dapat pinamumunuhan ng mga dalubhasa, mga doktor at eksperto sa epidemiyolohiya, may pagsasanay sa larangan ng medisina. Ngunit sundalo ang namumuno.
Subalit hindi nagkaganoon at ang mga nabanggit kong dalubhasa ay nagsilbing tauhan lamang sa mga namunong mga militar.
Sa madaling salita sila ang nagsisilbing “frontliner” habang ang mga namumuno ay tagakumpas nila.
Malungkot man isipin pero sa ngayon ito ang umiiral na kawikaan sa pamumuno ni Mr. Duterte.
Ngayon na dalawang araw na lang bago alisin ang modified ECQ, may mga agam-agam na nanggagaling at ang taongbayan ay nagtatanong:
Talaga bang wala nang panganib para alisin ang modified ECQ?
Paano kung biglang dumami ang mahawa ng COVID-19 dahil sa “second wave” na pinipilit ng DOH secretary ay nangyayari sa kasalukuyan?
Ano na ang nangyayari sa “mass testing” na may malaking pondo na nanggaling sa inutang ng administrasyong ito tapos naglabas ng pahayag ang Malacañan na ang “mass testing” ay isasagawa ng private sector?
Saan napunta ang pondo para sa “mass testing” na sa kalaunan ang gobyerno at DOH ang magsasagawa?
Ang labo ano.
Sa totoo lang talagang malabo pa sa sabaw ng pilos ang kasagutan, dahil tila kumambiyo nang bonggang-bongga ang Malacañan at DoH.
Tuloy ang mamamayan ay nagparang mga catcher sa baseball kaaabang sa outfield para saluhin ang kanilang mga “flyball.”
Nabuking ang Malacañan nang maglabas sila ng “press release” na mahigit 30,000 ang isinasailalim sa “mass testing” araw-araw.
Taliwas ito sa katotohanan na may 11,000 lang ang isinasailalim sa “mass testing” sa lahat ng LGU araw-araw.
Dito lumalabas na parang pinagaganda ng pamahalaan ang datos para magmukha silang mabango sa madla.
Sa ganang akin ito ay napaka-iresponsable at maaaring magdulot ng kapahamakan sa ating lahat.
Huwag na tayo magpaligoy-ligoy.
Isa itong panggagago.
Malaki na ang problemang kinakaharap natin dahil sa COVID-19 at hindi natin kailangan ang ganitong kabulaanan.
Dahil sa kapalpakan na ito maraming sektor ng lipunan ang hinihiling na bumaba na sa puwesto ang DOH Secretary dahil imbes gawin niya ang tungkulin niya, siya ay nagiging kasangkapan ng administrasyong ito upang pag-ibayuhin ang kanilang propaganda.
Nagsabi ang Malacañan na naghahanap na si Mr. Duterte ng kapalit ni Mr. Duque bilang kalihim ng Kalusugan na taliwas sa unang pahayag niya na malaki pa rin ang tiwala niya kay Mr. Duque.
Ayon naman kay Senador Ping Lacson, may 180,000 doktor ang di-hamak na mas karapat-dapat sa mababakanteng posisyon ng kalihim ng Kalusugan.
Kung totoo ang balitang paalis na si Mr. Duque.
Kaso kilala na natin ang estilo ng presidenteng ito, at walang katiyakan ang tumatakbo sa utak niya.
***
MAY mahigit 20,000 OFWs ang nananatiling naka- lockdown at hindi makauwi sa kani-kanilang probinsiya kahit tinapos nila ang mandatory quarantine period.
Nagbunga ang aberya dahil naantala ang mga clearances na manggagaling sa DOH.
Sa midnight media brief ni Mr. Duterte noong Lunes, minadali niya ang pagpapauwi sa mga OFW kahit hindi pa lumabas ang kanilang clearance mula sa DOH.
Ang sistema ay hinakot ang mga OFW at pinapila sila sa PITX.
Pero lumalabas na ito ay pakita lamang dahil hindi nagawang mapauwi ang karamihan ng mga OFW dahil walang sasakyan.
Lumalabas tuloy na parang inayos ni Mr. Duterte ang problema, na sila rin ang may kagagawan.
Dahil dito ay nagsalita ang alkalde ng Ormoc na si Richard Gomez at nagpahayag siya ng pangamba dahil wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Ormoc, at wala nang kasiguruhan na mananatili ito dahil bigla siyang dudumugin ng mga taong wala pang clearance mula sa DOH.
Nauunawaan ko ang pangamba ni Goma, pero ayan ang resulta ng kapabayaan at kapalpakan ng administrasyon ni Mr. Duterte, at tila naririnig ko ang tugon dito ng matalik kong kaibigan na si Philip Lustre “Hayaan mo silang maglaslasan ng leeg.”
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman