MAYROON pa bang inosente sa pananalasa ng COVID 19 hindi lamang sa bansa kung hindi sa buong mundo? Marahil ang mga sanggol at musmos.
Pero malamang may mga musmos na aral na rin hinggil sa virus sa tulong ng kanilang magulang habang ang iba naman ay bakasyon ang pagkakaalam sa pag-atake ng COVID-19 lalo nang isailalim sa quarantine ang bansa.
Maaaring maunawaan natin ang kakulitan ng mga musmos – lumalabas ng bahay para makipaglaro pero ang nakaiinis ay ang mga kabataan o mga nagpapakabatang may edad na – sila pa ang nangunguna sa paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ) protocols. Para bang balewala sa kanila ang virus.
Higit pang nakaaasar ang pagsalubong ng nakararami lalo sa Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ) at general community quarantine (GCQ) nitong 16 Mayo 2020. Inakala ng marami na normal na ang sitwasyon. Kinalimutan na ang virus – inakalang ang paggamit ng face mask, alcohol, face shield ay solusyon sa COVID 19.
Naglabasan at nagpuntahan/namasyal sa malls at iba pa, sa kabila ng panawagan ng gobyerno na manatili pa rin sa bahay kahit nasa MECQ o GCQ ang lugar.
Hindi ba sila naaalarma sa babala ng World Health Organization (WHO) na maaaring mananatili sa mundo ang COVID 19. Nandiyan lang ang virus at naghahanap na makapitan. E, ang masaklap pa naman ay wala pang natutuklasang gamot. Kung mayroon man, experimental pa rin ang lahat.
Nakababahala ang babala ng WHO lalo na’t araw-araw na lumolobo ang bilang ng nahahawaan ng virus maging ang namamatay.
Ang lahat ay nag-iingat hindi lamang para sa sarili kung hindi para sa lahat, kabilang ang frontliners pero itong mga pasaway pansarili lang ang iniisip. Lakwatsa pa rin ang nasa isip – hindi lang sa mall ang puntahan kung hindi sa bahay ng mga kaibigan para nakipagkuwentuhan…at inuman.
Hindi ba naisip ng mga pasaway ang magiging resulta ng kanilang katigasan sa ulo – lalong nilang tinutulungan ang virus sa pagkakalat nito. Naisip kaya nila, kung ang medical frontliners nga natin ay kompleto sa bitamina at protection gears sa katawan ay nahahawaan pa, sila pa kayang walang proteksiyon sa katawan kapag nakikipag-inuman o nakikipagtsimisan.
Tandaan, wala pang bakuna at gamot sa COVID 19 kaya, nananawagan ang pamahalaan na makiisa ang lahat para kahit na paano ay maiwasan ang pagkalat ng virus.
Nandiyan lang naman ang mga pasyalan at sa halip ang gawin ay ipokus ang sarili sa Panginoong Diyos. Manumbalik, magsisi at manalangin sa Kanya. Ipanalangin na bigyan ng karunungan ang mga doktor at dalubhasa sa medisina sa ginagawang pagtuklas ng bakuna at gamot laban sa COVID 19.
Lalo na’t napatunayan na walang magawa ang pinakamayaman at pinakamakapangyarihan sa mundo ngayon laban sa COVID-19 at sa halip, tanging ang Diyos lamang ang makapagpapatigil sa virus.
Kaya sa makakati ang paa, imbes sayangin ang oras sa kalalabas nang walang katuturan, gamitin ito sa pakikipag-usap sa Diyos.
Walang imposible sa Diyos. Magtiwala tayo sa Kanya. Siya lamang ang pag-asa natin laban sa COVID 19.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan