SAAN ba galing o gawa ang thermal scanner na ginagamit ng pulisya sa mga enhanced community quarantine (ECQ) checkpoint, galing o gawang Tsina ba?
Naitanong lang naman natin ito dahil sa sinasabing palyado raw ang scanners. Hindi raw accurate sa pagkuha ng temparature. Ganoon ba? E, saan nga ba gawa ang mga scanner?
Tsina ba gawa? Kayo naman porke palyado na ay gawang Tsina na? Ha ha ha ha…hindi naman siguro pero hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na basta gawang Tsina, ay sinasabing mababang klase o hindi pangmatagalan.
Ano pa man, nagpapagod o nasasayang lang talaga ng effort ang mga pulis na nasa ECQ checkpoints sa pagkuha ng temperature sa bawat motorista bilang isa sa hakbangin para makontrol ang pagkalat ng COVID 19.
Nagsasayang dahil nga palpak ang mga lumalabas na resulta sa thermometer. Hindi na accurate – lalo kasing uminit ang panahon ngayong Mayo. Ang heat index ay umaabot ng 40 degrees Celsius.
Mismo na ngang si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/MGen. Debold Sinas, ang nagsabing palyado at hindi ‘accurate’ ang ‘reading’ ng mga ginagamit nilang thermal scanner. Ganoon ba?
Hindi kaya dahil sa kapalpakan ng thermometer ang isa sa dahilan kaya maraming pulis ang nahawaan ng virus o ‘di kaya patuloy ang paglobo ng bilang ng mga infected ng virus?
Hayun, dahil sa hindi maayos na resulta ay minabuti at ipinag-utos na lamang ni Sinas na huwag nang kunan pa ng temperatura ang mga motoristang dumaraan sa checkpoint dahil hindi naman tama ang reading thermal scanners lalo kapag mainit ang panahon.
“Karamihan talaga, dahil sa init, lalo na kapag naka-motor ka at suot mo ‘yong helmet mo, kapag nabuksan ‘yan, talaga ang temperature ng tao mataas,” paglilinaw ni Sinas.
“Kung ganoon, useless, hindi namin pinapakuha, sayang ‘yung effort,” wika ni Sinas.
Kunsabagay, may punto naman si Sinas sa pagpapahinto muna pansamantala sa pagkuha ng temperature.
Kaya sa ngayon, medyo masasabing madaling makalusot ang mga motorista… maging ang maaaring carrier.
Sa kasalukuyan ay wala pang alternatibong gamit ang NCRPO para sa mas accurate na pagkuha ng temperatura ng mga dumaraang motorista sa mga itinatag na ceckpoints sa Metro Manila.
Tama man si Sinas sa desisyon niya pero hindi ba dapat bago ipatigil ang thermal scanning ay kinailangan munang mag-request ang opisyal ng mas hi-tech na aparato sa Department of Health (DOH) para makatiyak na walang makalulusot sa checkpoint?
Baka naman humingi na ng hi-tech ang opisyal pero wala pa rin kasagutan ang DOH at maaari rin bago niya ipinatigil ay humingi na siya ng payo sa DOH.
Alinman sa dalawa ang maaaring ginawang hakbangin ni Sinas, sana bago itinigil ang pagkuha ng temparature ay gumawa muna ang NCRPO chief ng ibang paraan o alternatibo sa pagkuha ng temparature ng isang motorista.
Sa kawalan ng alternatibo, mababalewala ang lahat na pinagpaguran hindi lamang ng mga pulis sa checkpoints kung hindi maging ng frontliners sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila simula nang ideklara ang ECQ noong 15 Marso 2020.
Kaya para hindi masayang ang lahat, nararapat na kumilos agad ang DOH o ang IATF hinggil sa problema sa thermal scanners na ginagamit sa mga checkpoint para hindi masayang ang lahat ng pinagpaguran.
Mag-isyu po sana ang DOH ng mas hi-tech na scanner. Huwag iyong made in China.
Hehehe…
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan