PITONG araw ang nalalabi at matatapos na ang lockdown. Mapapansin na nasanay na ang karamihan sa pagkakakulong sa loob ng bahay. Tiyak na malugod na sasalubungin ito ng marami dahil sabik sila na manumbalik ang normal na pamumuhay, ang bumalik sa trabaho at mga gawain na naantala dahil sa lockout.
Pero hindi nangangahulugan na ibababa ang ating kalasag. Kinakailangan pa rin na mag-ingat dahil nandiyan pa rin ang panganib ng sinasabing mga dalubhasa na “second wave.”
Ang “second wave” ng COVID-19 ay mas mapanganib.
Mangyayari ito, kung aalisin bigla ang pananggalang laban sa pandemiko. Kung aalisin natin dapat unti-unti at huwag biglaan dahil mas mapanganib ang tinatawag na “second wave.”
Marami ang nakalimot sa Spanish Influenza Pandemic of 1918. Halos kulang sa 500 milyon o one-third o isang katlo ng populasyon ng daigdig at pumatay ng 20 hanggang 50 milyon noong mga panahong iyon.
Ang Spanish Flu ay hindi nagmula sa Espanya, ngunit dito lumabas ang mga ulang, ulat tungkol sa pandemiko dahil ang Espanya noon ay “neutral” na bansa, at noong 1918 patapos pa lang ang Unang Digmaang Pandaigdig kaya maraming mga diario at balitaan ang naka-censor sa Europa.
Noong humupa ang Spanish Flu marami ang natuwa at nagpaparada pa sa kalye, ngunit pagkaraan ng ilang linggo bumalik ang pandemiko at marami pang buhay ang kinitil.
Kaya nararapat lang na kunan ng aral ang nangyari noong 1918 at maging maingat sa pag-alis ng quarantine lockdown at huwag mag-aastang mga bagong-laya sa kulungan at mag “party-party” dahil itong COVID-19 ay maaaring magka-“second wave.”
*****
Marami ang naging kaganapan sa atin nitong nakaraang isang linggo, at isa sa nanguna ang issue ng dagdag sa pagiging mandatory ng insurance premium na ibinabayad ng bawat OFW sa PHILHEALTH.
Kung dati ang annual contribution nila na “flat fee” na P2,400 kada taon, ngayon ay tumaas sa 3% ng kanilang sahod sa isang taon o aabot ng P60,000 na kakaltasin sa lahat ng OFW kada taon.
Kaya maraming kababayan nating OFW ang nagalit at nagreklamo na naging dahilan upang bawiin ni Duterte ang pagpataw ng singil.
Ngunit itong utos niya ay walang saysay dahil naisabatas na ito at ang Kongreso lang ang may kapangyarihang amiyendahan o alisin ang isang batas sa sandaling ito ay napirmahan na ng Pangulo, at ang direktiba ni Duterte na suspedehin ito ay labag sa Saligang-Batas
*****
Ano ang nangyayari kay Sal Panelo, Jose Calida at Harry Roque?
Umpisahan natin kay Jose Calida na kamakailan ay binalaan ang National Telecommunications Commission (NTC) na magbigay ng palugit sa ABS-CBN na mag-operate matapos ang prankisa nito sa Mayo 4, 2020.
Nagbabala si Calida na maaari niyang ihabla ang NTC, bagay na pinuna ni Senador Franklin Drilon na nagsabi na ang OSG ang nagsisilbing abogado ng Republika ng Pilipinas saklaw nito ang mga ahensiya, at mga kasunduan na pinasok nito.
Samakatuwid wala sa poder ang OSG na ihabla ang sarili niyang kliyente, ang NTC, bagay na napakasimple para hindi mapansin ng napakagagong si Calida.
Bagaman ipinasara na ng NTC ang operations ng ABS-CBN noong Martes, at nagbigay ng cease-and-desist order sa estasyon. Binigyan ang estasyon ng sampung araw upang sagutin kung bakit ito dapat magpatuloy ng operasyon, at ang hinala ng nakararami ang pagsara sa ABS-CBN ay utos galing sa taas.
Dumako naman tayo sa bagong Presidential Spooksman — si Harry Roque.
Tumanggap siya ng katakot-takot na batikos mula sa maraming sektor sa lipunan matapos niyang sabihin na ang issue ng pag-deport ng OFW na si Elanel Odridor mula sa Taiwan, ay ipinauubaya sa gobyerno ng Tsina. Bagay na ikinagalit ng gobyerno ng Taiwan dahil kailanman ay hindi sila naging sakop ng gobyerno ng Peking.
Dito naglabas ng “official statement” ang Taiwan at pinagalitan si Harry Roque dahil sa kawalan niya ng kaalaman tungkol sa Taiwan, na isang bansang malaya.
Bago pa man ito, dinepensahan niya ang pagkakaroon ng POGO sa bansa kahit alam ng karamihan na ang POGO ay ilegal na operasyon sa sugal na walang ambag na buwis sa pamahalaan.
Sinabi ni Roque na sakop ito ng BPO industry bagay na kinagalit ng mga lehitimong miyembro ng industrya ng BPO.
Pero sa akin ang pinakanakatatawa ay nang madulas siya at sabihing P460 million ang napupunta kay Duterte sa operasyon ng POGO at dagdag pa niya: “Its only fair na bigyan ng prayoridad ang pogo dahil sila ang nagbibigay, for what are we in power for lalong-lalo na ang presidente kung wala pala kaming makukuha.”
“What are we in power for.”
Una itong sinabi ng dating Senador Jose Avelino noong pinagagalitan niya ang dating presidente Elpidio Quirino.
Si Jose Avelino ay nakilala na isa sa pinaka-corrupt na senador noong mga panahon na iyon.
Siyempre ihuhuli natin ang pinakakuwela sa lahat si Presidential Chief Counsel Salvador Panelo.
Naglabas siya ng statement na nararapat magdeklara ng Martial Law si Mr. Duterte at heto ang sinabi niya:
“Invasion is a disease that enters the body and transfers to other areas – that’s why we need martial law!”
Dito napa-“double take” ang inyong abang lingkod dahil sa pagkakaintindi ko ang ‘invasion’ o pananakop ay ginagawa ng isang bansa at ng kanyang hukbo, hindi ng isang ‘virus.’
Naalala ko tuloy ang sinabi ng yumao kong ama na isang propesor sa abogacía.
“Pumunta ka sa Dewey Boulevard at tadyakan ang anomang puno ng niyog doon, at tiyak, sampung abogadong katulad niya ang malalaglag.”
Sa ganang akin, sa kasalukuyan ay walang matinong tao na nakukuha si Duterte at ang tatlong ito ang napili.
Sila ang tatlong binansagan kong “Tatlong Itlog” ni Duterte.
Puro sila patawa.
Kaso hindi nakakatawa.
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman