MASAYA at honored si Betong Sumaya dahil siya ang pinakaunang artist na ipina-presscon ng GMA (nitong May 6) sa pamamagitan ng online/virtual presscon o presser gamit ang app na Google Hangouts.
Ang presser/presscon ay para sa first single ni Betong, ang novelty song na pinamagatang Nang Minahal Mo ang Mahal Ko.
Available ang first single na ito ni Betong sa Apple Music, Spotify, You Tube music, pati sa iba’t ibang Barangay FM radio stations nationwide.
Bago mag-ECQ (enhanced community quarantine) ay nai-record na ito ni Betong, kaya itinuloy na rin nila itong i-release kahit naka-quarantine na.
Sa isang parte ng presscon, naging emosyonal ang Kapuso comedian-singer nang napag-usapan kung ano ang nami-miss niya ngayong solo siyang naka-quarantine sa kanyang condo unit.
Hindi ba niya naiisip na dapat mayroon siyang kasama o katuwang, lalo na ngayong naka-quarantine tayong lahat?
“Sobra ko pong naiisip iyan,” pag-amin ni Betong.
“Ako po lahat ngayon, eh. Luto, laba, linis, punta ng grocery.
“Ang pinakamahirap dito, wala kang makakuwentuhan talaga na masasabi mo kung ano ‘yung nararamdaman mo.
“Wala kang mapag-share talaga na… may times na nahihiga ka na, talagang maiiyak ka.
“Naisip ko ang family ko, sobrang na-miss ko yung family ko.
“So, pinatatag ko talaga ang sarili ko.
“Sige, idaan lang itong lungkot na ito, huwag lang tatambayan. Padaanin mo lang siya.
“Mahirap po, eh,” pahayag pa ni Betong.
Nasa Antipolo ang buong pamilya ni Betong kaya hindi niya mapuntahan dahil sa ECQ.
Nagpapasalamat si Betong sa social media kaya may komunikasyon siya sa pamilya at sa mga malalapit na kaibigan at katrabaho.
Speaking of his friends, dinadagsa pala si Betong ng ayuda mula sa kanyang mga kaibigang Kapuso!
Kung dati ay nagkakasya lamang siya sa mga de-lata, ngayon ay nai-enjoy niya ang mga pagkaing ipinadadala ng mga kaibigan sa trabaho, gaya nina Paolo Contis, Boy2 Quizon, Kakai Bautista, Geleen Eugenio, at mga taga-GMA News na sina Susan Enriquez, Aubrey Carampel, at marami pang iba.
“Kasi, sa buong two weeks po yata, nagkaroon po ako ng malalim na relasyon sa mga de lata.
“Sobrang na-attach na ako sa mga sardinas, corned beef, noodles, tuna.
“Pinapaikot-ikot ko lang po iyan.
“Ngayon, nagugulat na lang ako, tinatawag ng guard na may pagkaing iniwan, na pam-five days ko na ‘yun, ha?” natatawang kuwento ni Betong.
Thankful si Betong sa suporta ng mga kaibigan at katrabaho niya sa GMA-7 na nagda-download nitong kanta niya.
Going back to his song, kakaibang novelty song itong, Nang Minahal Mo ang Mahal Ko na punompuno ng hugot.
“Ang single na ito ay para sa mga pusong naka-quarantine din dahil sa bigong pag-ibig,” pahayag ni Betong.
RATED R
ni Rommel Gonzales