BUMILIB si Health Secretary Francisco Duque III sa itinayong testing sites at isolation facilities ng Parañaque City para sa mga pasyenteng imino-monitor at iniimbestigahan kung tinamaan ng sakit na COVID-19.
Kasama ng kalihim si Mayor Edwin Olivarez at Director Dr. Paz Corrales ng DOH-NCR na nag-inspeksiyon sa apat na pasilidad sa Parañaque City College, Parañaque National High School main, San Antonio High School, at Arcadio National High School na karagdagan sa unang itinalagang isolation facilities sa Ospital ng Parañaque I at II.
Sa kanyang ulat sa kalihim, sinabi ng alkalde, nakapagpasailalim na sila ng kabuuang 3,321-katao sa mass rapid testing at 95 porsiyento sa kanila ay negatibo sa COVID-19 habang ang 590 posibleng may kaso ng sakit ay awtomatikong dinala sa isolation facilities.
Aniya, sa ngayon, may 40 health workers, ang nasuring positibo sa virus bagama’t hinihintay ang resulta ng confirmatory test kaya’t hindi maiaalis ang kanilang pangamba na may frontliners pa silang tatamaan ng sakit.
Ito ang dahilan kaya’t ipinasiya nilang patirahin muna ang kanilang frontliners at health workers sa iba’t ibang hotel sa lungsod na ang bayad ay sasagutin ng lokal na pamahalaan.
Umabot sa 441 ang kompirmadong kaso ng COVID-19 mula noong 30 Abril sa lungsod, kabilang rito ang 32 nasawi habang 82 ang pinayagang makauwi sa kanilang bahay at 72 ang gumaling nang tuluyan sa sakit.
(JAJA GARCIA)