Monday , December 23 2024

Salvador, dapat itapon palabas ng bansa?  

NANG una kong mapanood ang viral video hinggil sa pagdakip ng isang pulis sa isang dayuhang Español sa Makati City  – sa panig ng dayuhan o kuha ng kanyang maybahay na isang Pinay, napailing ako sa paraan ng pagdakip sa negosyante.

Nag-ugat ang lahat sa paninita ng pulis, si P/MSgt. Roland Madrona, sa katulong ng dayuhan dahil hindi nakasuot ng face mask habang nagdidilig ng halaman sa harap ng bahay ng kanyang amo.

Sa FB, maraming negatibong reaksiyon laban sa pulis. Nakatulong pa sa reaksiyon ng netizens ang nagmamakaawang pakiusap ng asawang Pinay ng dayuhang si Javier Salvador.

Pero nang mapanood naman natin ang mga unang pangyayari – kuha naman ng tropa ni Madrona, aba’y lintek naman pala. Nararapat lang pala bitbitin sa ano man paraan si Javier.

Wala palang respeto sa mga pulis natin. Napakaganda ng ipinakitang kortesiya ni Madrona sa kanya pero ano, winawalanghiya ng dayuhan ang pulis.

Dinuduro, sinabihan ng masasama, at kesyo ipinagmamalaki pa ng negosyante na 80 Filipino ang kanyang tinutulungan sa pamamagitan ng pag-empleyo sa kanila.

Sa pambabastos, napuno na rin siguro si Madrona at nasa lugar din naman siya kaya, pilit niyang inaaresto ang dayuhan na pumapalag hanggang makatakbo sa loob ng kanilang bahay sa utos ng asawang Pinay.

Kaya, sa mga netizen huwag agad manghusga hangga’t hindi pa nakukuha o napapanood ang kabuoan ng pangyayari. Alamin ang panig ng magkabilang partido.

Pero ang tanong natin naman niyan ay…paano kaya kung isang ordinaryong Pinoy si Salvador, pagkatapos ganoon din ang ipinakitang ugali sa pulis? Ano sa palagay n’yo kaya ang nangyari kay Salvador? Ano sa tingin n’yo?

Ano pa man, marahil ay sising-sisi na ngayon ang dayuhan sa kanyang pinaggagawa lalo na’t kinasuhan na siya ni Madrona sa Makati Prosecutor’s Office ng paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority), Republic Act 11332 Sec. 9e, Makati City Ordinance 2000-089 (not wearing of face mask) maging ‘unjust vexation at direct assault.’

Mabuti naman at tinuluyang kasuhan ang dahuyan upang magsilbing aral ito sa kanya maging sa iba pang bisita…at sa atin din mga Pinoy na bumabalewala sa panuntunan ng umiiral na enhanced community quarantine at sa pambabastos sa mga awtoridad.

Masuwerte pa nga si Salvador dahil mabait pa si Madrona…kung ibang pulis iyon, aba’y talagang buong puwersa niyang gagawin ang lahat, maposasan at maaresto lang ang bastos na dayuhan.

Ngunit, sapat na ba ang kasuhan lang sa prosecutor’s office si Salvador? No way, ‘ika ni Senator Ping Lacson.

“Arrogance has no place in our country – especially so in a situation where either all of us win, or all of us lose to the COVID-19 threat,” pahayag ni Lacson.

Tama si Lacson sa opinyon niyang nararapat na pakialaman ng Bureau of Immigration (BI) ang pagiging arogante ng dayuhan at pambabastos…

Imbestigahan kung dapat nang itapon palabas ng bansa si Salvador.

Marahil kung sa ibang bansa nangyari ang insidente, kulong at deported na si Salvador. Kaya, ganito rin ang gawin ng BI sa mga abusadong dayuhan sa ating mahal na Filipinas.

Sa nakitang ebidensiya, “video sa panig ng pulis,” malinaw ang lahat. Pero dapat na bang itapon palabas ng bansa si Salvador? Kung Pinoy iyon at sa ibang bansa niya ginawa ang pinaggagawa ni Salvador, malamang itatapon siya pabalik ng Filipinas.

Ngunit, bakit kaya ganoon na lamang ang ugali ng dayuhan o madalas ng ilang dayuhan sa mga awtoridad natin? Hindi kaya dahil sa mga napapaulat na pangongotong ng mga tiwaling pulis sa ilang hinuhuli nilang  dayuhan na bumibisita sa bansa?

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *