UMABOT sa 172 maralitang mag-aaral ng Rivera Village Elementary School (RVES) ang binigyan ng relief goods ng mga guro bilang ayuda dahil sa nararanasang krisis sa bansa, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ayon kay Joffrey Quinsayas, Pangulo ng RVES faculty club, dahil sa matinding krisis na kinahaharap dulot ng COVID-19 pandemic ay maraming nawalan ng trabaho na lubhang naapektohan dito ang mga magulang ng mga mag-aaral lalo’t ang iba ay nasa hanay ng maralitang nakatira sa lungsod ng Pasay.
Bilang Pangulo ng RVES faculty club, pinulong ni Quinsayas ang mga guro na tulungan ang mahihirap nilang estudyante na nakatira sa iba’t ibang barangay para mamigay ng relief goods upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Pangalawang beses na nilang binigyan ng ayuda ang ilang mahihirap na estudyante mula kinder hanggang grade 6 na umabot sa 172 mag-aaral na sinuportahan naman ng kanilang principal na si Alicia Monton.
Ang RVES na mayroong mahigit 1,600 mag-aaral ang nag-iisang pampublikong paaralan na hindi kalayuan sa Ninoy Aquino International Airport ( NAIA ) terminal 1 at 2 sa lungsod ng Pasay.