MARAMING kaganapan sa linggong ito.
Isa ang extension ng enhanced community quarantine hanggang sa Mayo 15, labing-limang dagdag na araw ng bartolina para sa ating lahat. Ito ay bunga ng pangamba ng pamahalaan na hindi pa humupa ang pandemyang COVID-19, at maaari pang tumaas ang bilang ng magkakasakit. Ito ay bagay na tinimbang nang maigi ng mga nakaluklok kahit atrasado masyado ang kilos nila kumpara sa ibang bansa.
Sabihin na mapalad tayo dahil hindi umabot ang bilang ng mga namatay dito sa daang libo, hindi katulad ng mga bansang katulad ng España, Estados Unidos at Tsina, na pinanggalingan ng pandemia.
Ito ay malayo kumpara sa Vietnam na wala pang naitatalang namatay, o ang New Zealand na inalis na ang lockdown sa buo nilang bansa.
Ngunit mapalad tayo dahil marami ang nagsasabi na sa mahigit 30 uri o klase ng “strain” ng COVID-19, ang atin ang isa sa pinakamahinang uri. Hindi ito hudyat upang magbunyi at ibaba ang kalasag. Bagkus, ipakita na may napulot na dagdag kaalaman tungkol sa virus.
Sa giyera kontra COVID-19, may maliliit na tagumpay. Bagamat marami ang nahahawa sa virus, pababa ang bilang ng mga namamatay dahil sa pinaigting na kampanya ng “social distancing.” Bagaman mayroon mga sinok-sinok o ubo-ubo sa sistema, unti-unting naaayos ang mga ito. Tila nananalo tayo. Ngunit hindi pa tapos ang laban. Marami pa ang mga balakid.
Isa na ang matagal na pagkulong o isolation. Malaki ang epekto sa ating pag-iisip at nakababago ito ng ugali. Nagiging mainitin ang ulo at madali tayong magalit.
Ang isang ehemplo rito ang nangyari sa Dasmariñas Village na isang residente ay nakipagbuno sa isang alagad ng batas na nakunan at naging viral. Malayo ang insidente sa sinapit ng isang retiradong kawal na nagpapagamot sa PTSD at binaril ng isang pulis na nakatao sa COVID checkpoint.
Magkaiba ang situwasyong ito sa nangyari sa residente ng Dasmariñas Village ngunit iisa lang ang pinagmulan nito. Ang pagiging iritable at mainit ang ulo ng enforcer.
Dapat dumaan sila sa masusing pagsasanay na saklaw ang pagpapahupa ng tensiyon, crisis management, at ang matuto ng “proper rules of engagement” at ang pakikipag-usap nang mahinahon. Hindi puwede ang mainit ang ulo o sobrang “stressed” dahil kung ganon magparelyebo ka na at umuwi ka na.
Sa kaso ng retiradong kawal dapat inintindi ng pulis ang sitwasyon at nakinig sa mga tao roon nang sinabi nilang may war shock ang kawal. Dahil hindi siya nakinig, pinatay niya ang tao at ngayon napipintong maghimas ng malamig na rehas ang akusado.
Katulad ng pulis na nakipag-wrestling sa residente sa Dasmariñas Village pareho silang hindi nag-isip, bagkus pinairal ang kanilang poot at yabang. Walang namatay, ngunit sa maliit kong opinyon ang parehong nangyari ay lumaki dahil sa init ng ulo na kailanman ay hindi dapat mangibabaw.
Tuloy pinagpiyestahan sila sa Internet. Tuloy pareho silang nagmukhang tanga. Pero nahahalata ko na sa ngayon dalawa ang uri ang pinaiiral na batas sa bansa.
Ang una ay batas na ipinaiiral para sa orddinaryong mamamayan at nakasuot ng bakal na guwantes. Halimbawa ang isang medical frontliner na pinababa sa motor ng kanyang bayaw at minultahan ng limang libong piso dahil sa paglabag sa “social distancing.”
Sa kabilang dako naman ang isang ASEC na itago natin sa pangalang Mocha Uson na kamakailan lang ay nagpapiging sa Batangas na labag din sa “social distancing,”
Dito kapuna-puma ang kaibahan ng palakol ng hustisya. Sa isang ordinaryong frontliner na nakiangkas sa bayaw dahil papasok sa ospital bilang medical frontliner minultahan ng MMDA.
At ang isang kasapakat ng gobyerno ni Duterte na sa tingin ko mas malaki ang paglabag sa Bayanihan Act. ‘Eka nga sa mga kataga ng awit na nilikha ni Mon Del Rosario, “Sinong dakila… Sino ang tunay na baliw…”
***
Nabuking ang AFP Chief of Staff na si Filemon Santos nang sinulatan niya si PRC ambassador Huang Xilian upang humingi ng tabletas ng gamot na Carrimycin isang gamot na hindi pa aprobado ng FDA, na ayon sa kanya ay nakapagpagamot sa kanyang COVID-19.
Ginamit ni Santos ang letterhead ng Chief of Staff ng Hukbong Sandataan ng Pilipinas at idinaan sa Defence and Armed Forces Attaché ng PRC Embassy. Ito lang ang masasabi ko: Your actions have compromised your position as the Chief Of Staff of the Armed Forces of the Philippines and is tantamount to treason. For the sake of the gallant men and women of our AFP you should resign.
***
Eto pa ang isang nakabubuwisit na sinabi ng DND Secretary Delfin Lorenzana patungkol sa insidente na ang barkong BRP Conrado Yap (PS-39) malapit sa Rizal (Commodore) Reef sa West Philippine Sea noong Pebrero.
Ang insidente ay nangyari noong Pebrero sa loob ng teritoryo na pag-aari natin at nabunyag lang noong nakaraang linggo nang maglatag ng diplomatic protest ang Republika ng Pilipinas laban sa Tsina. Lorenzana said the Chinese may have no intention of hurting the sailors aboard the Philippine Navy ship, although he described it as “medyo (a bit) offensive.”
Ani Lorenzana, “Parang ano lang ito, sinusubukan lang nila kung ano ang reaksiyon natin.”
Sa ganang akin kapag tinutukan ka ng baril tutukan mo rin at hindi ka dapat mangatuwiran nang ganyan, bumunot ka para ipakita sa mga Tsinong ‘yan na hindi tayo puwedeng duru-duruin.
Nakahihiya dahil DND Secretary ka pa naman at ipinakikita mo sa lahat na wala kang gulugod para humarap sa Tsina dahil ayaw mo masaktan ang damdamin ng Tsina, ng presidente at ng kanyang mga kakosa. Samakatuwid isa kang duwag at kahihiyaan sa magigiting na kawal na nasa hukbo. Maigi pa bumitaw ka na at hayaan mo ang may bayag ang mamuno sa DND. [email protected]
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman