PALAISIPAN ngayon ng ating pamahalaan kung tuluyan nang aalisin ang quarantine lockdown o hindi.
Nasa 36 days na ang lockdown sa Metro Manila at mga pangunahing siyudad ng bansa dahil sa paglaganap ng COVID-19 na noong Martes ay kumitil na ng 437 buhay.
Nakapangangamba dahil hindi natin alam ang tunay na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 Wuhan coronavirus. Dahil mahigit 36 araw na ang lockdown, hindi na maganda ang epekto sa ekonomiya at “mental health” o pag-iisip dahil laganap na ang depression o sobrang kalungkutan.
Dito hindi maiwasan na magkaroon ng “cabin fever” sanhi ng matagal na pagkakakulong sa bahay, unit o kuwarto. Maihahambing ang extended lockdown sa pagkakakulong sa isang bartolina. Bukod dito, nawawala ang kakayahan na maghanapbuhay at kumakaunti ang panggastos.
Nakararanas tayo ng pagkabagot, kalungkutan at pagkamuhi na humahantong sa pagiging matampuhin, mainitin ang ulo, at magagalitin.
Inaaway ng sinuman na nagkakaroon ng “cabin fever” o pagkabagot dahil hindi nakalalabas, ang kanyang asawa, anak, kaibigan, alagang-hayop, at kahit na halaman.
Walang katiyakan kung kailan matatapos ang lockdown at manunumbalik sa normal na buhay at pamumuhay.
Marami na ang nauubusan ng pera, at idinaraan na lang sa sipol at paghihigit ng sinturon ang kakapusan.
Tanggapin man o hindi, hinaharap ngayon ito ng taumbayan, at kailangan tutukan ito ng pamahalaan.
Ito ang tinatawag na “Catch-22” o “damned-if-you-do-damned-if-you-don’t situation” sa Ingles, sa madaling salita, sa lockdown may panganib na makararanas ang taumbayan ng depression at gutom. Kapag inalis ang quarantine lockdown, may panganib pa rin na lalong kumalat ang COVID-19.
Marami ang nagagalit dahil umabot ng halos isang buwan bago kumilos ang pamahalaan ni Duterte. Para tuloy silang mga “catcher” sa baseball na sumasalo ng umuulan na yelo.
Bagaman sa huli, mabuti, may ginagawa na ang pamahalaan.
Sang-ayon ako na ang dapat mamuno ay may karanasan sa “field operations” at sang-ayon din ako na ang dapat mamuno ay may military background na sanay sa field operations at may suporta o “logistical support” ng AFP. Mahalaga ito upang matupad ang laban kontra COVID-19.
Ngunit kailangan bihasa siyang mamuno sa “frontliners” na magsisilbing mga pangunahing kawal niya.
Ang tinutukoy ko ay ang mga doktor, mga nars, nursing aides, health workers, mga hospital staff, technical operators ng mga kagamitang pang-medikal, mga ambulance driver.
At tulad ng mga kawal na kailangan ang sandata at bala, hetong mga nabanggit ko, kailangan nila ng pananggalang laban sa COVID-19 Wuhan coronavirus, tulad ng PPEs o personal protection equipment, mga HAZMAT suits, mga maskara, thermal scanners, rapid testing kits, field isolation units, alcohol, disinfectant sprays, disinfectant solutions, mga disposable swabs, tents, mesa at mga upuan.
Pero huli man at huli nga.
Ito ay malaking bagay para maibsan ang pandemiko.
Totoo ito, kahit na nagkakalat pa rin ang liderato at mga kasapakat, dahil tuloy pa rin ang focus ng mga nasa “front lines” at mahalaga na sila ang dapat bigyan ng pansin.
Kaya huwag na natin pansinin ang mga photo-op ng turnover ng bawang at kalabasa. Ito ay papansin lamang ng maliliit ang pag-iisip sa pamahalaang ito.
Lalo na huwag bigyan ng kaukulang pansin ang ginawang “power trip” ng “attack dogs” nila, tulad ng pagpasok ng ilang miyembro ng lokal na PNP sa isang condominium complex na walang pahintulot o “search warrant” dahil sa ipinapakita nilang kabulastugan na hindi sinasanto ang anumang estado o kalalagayan ng buhay.
Sila ay mga langaw na nagpapalapad ng papel sa liderato, at kahit tabunan sila ng sangkaterbang medalya, trespassing ang ginawa nila.
Tatabunan sila ng asunto sa oras na mawala ang amo nila sa poder.
Ngayon ay may agam-agam o espekulasyon na maaaring magdeklara ng Martial Law.
Bilang huling hirit.
Ang ML pwedeng gawin kung may pananakop na o himagsikan na nagbabadiya, pero huwag mag-alala. Una, katawa-tawa ang mungkahing ito, dahil epekto lang ito ng malilikot na isip dala ng “cabin-fever.”
Pangalawa, hindi maaaring magdeklara ng ML, kung wala ang dalawang elemento, ang pananakop, at ang himagsikan.
Tandaan natin na ang Martial Law ay taliwas sa ating Saligang Batas, kaya ang AFP at PNP ay inaatasan na dakpin ang presidente at kasapakat niya sa kasong sedition, at iluklok ang Pangalawang-Pangulo bilang Pangulo sakaling bigla niya itong ideklara.
Kung sakaling mangyayari ang ML, tayo lang ang bansa sa buong mundo na magdedeklara ng Batas Militar dahil sa isang pandemiko, dahil ang senaryong ito ay halaw sa nobela ni Robert Ludlum o Tom Clancy at kathang-isip ng hindi marunong mag-isip o may maliit na pag-iisip.
‘Ika nga: “Aanhin mo ang kabayo kung namatay ito dahil na overdose ng beerus?”
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman