LIBRE ang cremation services ng NavoHimlayan, na pag-aari at pinangangasiwaan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas, para sa mga pasyenteng namatay sa coronavirus 2019 (COVID-19).
Simula 22 Marso, 37 namatay na persons under investigation (PUI) o pasyenteng positibo sa COVID-19 sa Navotas ang na-cremate nang libre.
Ang cremation services sa NavoHimlayan ay nagkakahalaga ng P12,000 hanggang P18,000.
“Mahal ang cremation at maaaring masaid nito ang ipon ng isang pamilya, lalo sa panahon ngayon na kinakaharap natin ang krisis kaya sa pamamagitan ng NavoHimlayan, hangad nating maibsan kahit paano ang pasanin ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19,” saad ni Mayor Toby Tiangco.
Pumirma rin sa memorandum of agreement (MOA) ang lungsod, kasama ang isang pribadong funeral home, para sa pagsundo at paghatid ng mga bangkay.
Sa ilalim ng MOA, ang funeral home ang kukuha ng bangkay sa ospital o sa bahay nito sa loob ng 12 oras mula nang mamatay ang pasyente at ihahatid sa NavoHimlayan.
Ang lungsod ang babalikat sa P8,000 transportation cost at magbibigay sa bawat staff ng NavoHimlayan at ng funeral home ng mga personal protective equipment (PPE).
Binigyan ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office ng pagsasanay ang mga staff tungkol sa tamang pag-aasikaso sa namatay. (ROMMEL SALES)