LABING-ANIM na pelikula ng ABS-CBN ang maghahatid-saya sa manonood na Chinese sa pag-ere sa Phoenix Movie Channel ng China.
Maaalalang pumirma ang ABS-CBN at Phoenix Satellite Television noong 2019 para iere ang patok na mga pelikula ng Star Cinema. Nauna nang ipalabas ang Four Sisters And A Wedding noong Disyembre 2019, na sinundan naman ng Barcelona: A Love Untold at Love You To The Stars And Back ng Marso ngayong taon.
Ngayong Mayo, matutunghayan sa China ang The Achy Breaky Hearts at Dear Other Self.
Pag-ibig din ang mamamayani sa buwan ng Hunyo dahil nakatakda ring mapanood sa China ang mga pelikulang My Perfect You na pinagbibidahan nina Gerald Anderson kasama si Pia Wurtzbach, at Can’t Help Falling In Love ng tambalan nina Kathryn at Daniel.
Palabas din ang My Exes and Whys nina Liza at Enrique at ang Always Be My Maybe at Can We Still Be Friends nina Arci Munoz at Gerald Anderson. Mapapanoood din sina Maja Slavador at Zanjoe Marudo sa pelikulang To Love Some Buddy.
Pagsapit naman ng Hulyo, matutunghayan nila ang award-winning movie na Everything About Her na pinagbidaan ni Vilma Santos kasama sina Angel Locsin at Xian Lim.
Sa buwan ding ito mapapanood nila ang You’re My Boss nina Coco Martin at Toni Gonzaga, ang Hihintayin Kita Sa Langit (na pinamagatan na I Will Wait for You In Heaven sa international release), nina Richard Gomez at Dawn Zulueta, at Kasal nina Bea Alonzo, Derek Ramsay, at Paolo Avelino.
Pagdating naman ng Nobyembre, mapapanood ang Siargao na pinagbibidahan nina Jericho Rosales, Erich Gonzales, at Jasmine Curtis-Smith.