WALA pa ang Social Amelioration Program (SAP) at sa halip ay pamimigay pa lamang ng relief ang ‘uso’ nang simulan ang enhanced community quarantine (ECQ) noong 15 Marso 2020, marami na ang reklamo laban sa ilang mga kapitan del barrio o barangay chairman.
Kesyo kinukupitan daw ng kapitan ang relief goods na mula munisipyo o city hall. Bagama’t hanggang ngayon ay wala pa naman nagsasampa ng pormal na reklamo laban sa inaakusahang ‘kupitan.’
Pero unfair sa mga kapitan, nagtatrabaho naman sila ng 24/7. Wala raw silang pinipiling bibigyan o kompleto ang relief goods na ipinamimigay.
Lamang, mayroon nga rin sigurong ‘kupitan’ diyan. Magnanakaw na kapitan.
Pero hindi bale, sa kautusan ni DILG Sec. Eduardo Año, mabubuko na kung sino-sino ang mga ‘kupitan.’ Wala na silang lusot.
Mabubuko na ang mga kumukupit sa pamimigay ng SAP. Mabubuko rin kung siya ay namimili ng bibigyan. Mabubuko rin kung… baka mga kaanak niya at malalapit sa kanya (na hindi naman deserving sa SAP) ang ginawa niyang prayoridad.
Mabubuko rin si Kapitan at baka kaanak lang din ng mga barangay officials ang kanilang pinagbibigyan. Mabubuko rin na baka ang mga nasa listahan ng sinasabi nilang nabigyan ay wala naman palang nakukuha.
Mabubuko rin si Kapitan at baka sa listahan niya ng mga binigyan ay mga bonate lang niya. Mabubuko rin at baka sa listahan ay nakasamang nabigyan ng SAP ang mga matagal nang patay.
Ayos ba? Magkakaalaman na ito…lagot ang mga ‘kupitan!’
Mabubuko ang mga ‘kupitan’ makaraang ipag-utos ni Año sa mga Kapitan na ipaskil ang listahan ng mga benepisaryo ng SAP sa mga prominenteng pampublikong lugar sa kanilang nasasakupan. Naku po, patay kang ‘kupitan’ ka!
Layunin ng direktiba ng DILG, para matiyak na may transparency sa pagtukoy ng mga benepisaryo ng SAP.
Mahalagang maipakita ang listahan sa publiko upang makapagbigay ng feedback ang mga residente kung dapat ba silang makasama sa listahan.
Siyempre bagamat hindi ito sinabi ni Año, opinyon lang natin ito… mabubuko rin dito na maaaring isinama ni ‘kapitan’ ang kanyang anak, asawa, etc sa listahan… ‘e ang kabit? Puwede!
Ang intensiyon ng DILG ay para masiguro na tama ang listahan ng mga barangay.
“Kung mayroon mang kulang o mali sa listahan, maaari itong aksiyonan ng city o municipal government o ipagbigay-alam sa DSWD,” pahayag ni Año.
Ang hakbangin ng DILG ay bunsod ng mga natanggap na ulat ng DILG mula sa field offices hinggil sa kawalan ng transparency sa pamamahagi ng SAP forms at assistance sa target beneficiaries.
Ang mga lugar na pagpapaskilan ay barangay hall mismo, city/municipal hall, social center, gymnasium, auditorium, transport terminal, public market, health station o center, hospital at iba pa.
Naku po, kagandang direktibang ito ni Año, mabubuko na kung sino-sino ang mga ‘kupitan.’ Siyempre, ang mga mabubuko ay awtomatikong kakasuhan ng administratibo.
Kaya sa mga ‘kupitan,’ may oras pa kayong maging isang ‘doktor.’ Ayusin na ninyo ang listahan ninyo at tiyak na mabubuko kayo niyan. Ayos, ‘kapitan’ na, ‘doktor’ pa.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan