SIMULA pa lang noong ilunsad nito noong nakaraang taon, kinakitaan na namin ng potential ang online newscast na Stand for Truth. Kaya naman hindi na kami nagtaka na naging matagumpay ang programang ito ng GMA Public Affairs.
Ngayon nga, isa na ito sa mga inaasahan namin pagdating sa breaking news at exclusive reports. Mahusay ang pagkaka-train ng Kapuso Network sa mga batang reporter na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Gamit ang kanilang mobile phones at angking journalistic skills ‘ika nga, nakakapag-produce sila ng mga istoryang madalas ay ginagamit na ng mainstream newscasts. Marami rin sa exclusive reports ng Stand for Truth ang naging daan para maaksiyonan ng mga kinauukulan ang ilang isyu ng bansa.
Pataas nga nang pataas ang bilang ng views ng SFT videos sa Facebook at YouTube, patunay na mas maraming netizens ang tumututok sa nasabing pioneering mobile journalism newscast. Bukod kina Atom Araullo at Richard Heydarian, binabati namin ang magigiting na SFT reporters na sina Nico Waje, Manal Sugadol, Shai Lagarde, Izzy Lee, Eduard Faraon, MJ Geronimo, Bhea Docyogen, Jm Encinas, at Anthony Esguerra. Congrats din sa mga nasa likod ng Stand for Truth. Nawa’y mas maging matagumpay pa ito sa mga susunod na taon.
Rated R
ni Rommel Gonzales