NANGANGANIB na muling maantala ang rollout ng Dito Telecommunity Corporation sa bansa kasunod ng pagharang ng ilang US departments sa operasyon ng China Telecom (Americas) Corp., sa Amerika.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, sa pangyayaring ito ay kailangang busisiing mabuti ng pamahalaan ang third telco player at mangangailangan din ito ng congressional investigation dahil ang pagpasok, aniya, ng China sa telecommunication sector ay isang banta sa soberanya ng Filipinas at sa pambansang seguridad.
“This development in the US will delay Dito telecom’s rollout because it should now be subject to tighter scrutiny from government and requires a congressional investigation. Because of its expansionism in the WPS, the Chinese government is not a friend. We continue to assert that allowing China entry into our telecommunication sector is a threat to philippine sovereignty and national security,” giit ni Colmenares.
Ang Dito Telecommunity Corporation, dating Mindanao Islamic Telephone Company, Inc., o Mislatel, ay isang consortium ng Udenna Corporation ni Davao businessman Dennis Uy at ng subsidiary nito na Chelsea Logistics Corporation, at ng Chinese state-owned China Telecommunications Corporation, parent company ng China Telecom.
Mahihirapan umanong mag-operate ang Dito sa bansa sa sandaling i-ban ang China Telecom sa US dahil magkakaroon ng problema sa interconnectivity sa cyber space.
May tatlong beses nang naurong ang rollout ng Dito Telecom sa bansa na unang target na mailunsad noong huling bahagi ng 2019, ikalawa ay sa Hulyo 2020 ngunit sa ngayon ang bagong target ay sa Marso 2021 na.
Magugunitang hinimok ng ilang US departments ang Federal Communications Commission (FCC) na bawiin ang kapangyarihan ng China Telecom (Americas) Corp na magkaloob ng international telecommunications services mula sa Estados Unidos.
“This recommendation reflects the substantial and unacceptable national security and law enforcement risks associated with China Telecom’s continued access to US telecommunications infrastructure,” pahayag ng grupo ng departments, kabilang ang State, Justice, Defence, Homeland Security and Commerce, gayondin ang United States Trade Representative, sa filing sa FCC kamakailan.
Ang panawagan ay sa gitna ng patuloy na pagbusisi ng FCC sa China Telecom, isang imbestigasyon na sinimulan noong nakaraang taon.
Tangan ng US subsidiary ng Chinese state-owned telecommunications company ang lisensiya na magkaloob ng serbisyo sa US magmula noong 2007.
Noong nakaraang Mayo ay nagkaisang bomoto ang FCC na ibasura ang kahilingan ng isa pang state-owned Chinese telecommunications company, ang China Mobile, na magkaloob ng serbisyo sa US.
Ayon kay FCC Chairman Ajit Pai, matapos ang pagboto ay natukoy ng komisyon na ang China Mobile ay kontrolado ng Chinese government.
Sa isang statement, binanggit ang mga panganib na maaaring gamitin ng Chinese government ang pag-aproba ng FCC para magsagawa ng espionage o paniniktik laban sa US government.
Ang telecommunications companies ng China ay masusing binubusisi ng US.
Noong nakaraang taon ay hinimok ng mga mambabatas ang FCC na repasohin ang China Telecom at ang iba pang Chinese telecommunications company, ang China Unicom.
Noong nakaraang taon ay inilagay ng Trump administration ang Huawei Technologies – ang Chinese telecoms company na global leader sa next-generation 5G technology – sa isang ‘entity list’ at binawalang bumili ng critical components mula sa kanilang American suppliers.
Hinikayat ng US ang iba pang gobyerno sa buong mundo na huwag isama ang Huawei sa pag-develop ng kanilang 5G infrastructure dahil sa national security risks.
Sa filing kamakailan, iginiit ng departments na ang Chinese government ay may “ultimate ownership and control” sa China Telecom at sa US operations ng kompanya.
“Such ownership might allow Chinese government entities to engage in malicious cyber activity enabling economic espionage and disruption and misrouting of US communications and provide opportunities for increased Chinese government-sponsored economic espionage,” nakasaad sa filing.
Binigyang-diin ng departments sa kanilang filing na ang China Telecom ay nakagawa ng ‘inaccurate statements’ hinggil sa kung saan nakatago ang kanilang US records, gayondin sa US customers tungkol sa cyber security at privacy practices na maaaring hindi nakasusunod sa US law.