SA Quezon City Executive Order No. 26, layunin nito na proteksiyonan ang frontliners, mga kaanak, at COVID 19 patients. Proteksiyon sa mga ‘mandidiri’ at/o manlalait sa kanila.
Siyempre, ang mahuling lumabag sa kautusan ni QC Mayor Joy Belmonte ay aarestohin at kakasuhan. Katunayan, ipinatutupad na ito ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na pinamumunuan ni P/BGen. Ronnie Montejo.
Ibinaba ang batas bunsod ng mga napaulat na may mga kababayan natin na ‘nandidiri’ o tinatabla ang mga frontliner imbes sumaludo sa kanilang kabayanihan.
Ewan ko ba kung bakit may mga kababayan tayo na ganito ang pag-uugali. Hindi ba nila naisip, paano kung sila ang nasa katayuan ng pinandidirihan nila?
Heto ang ilan sa nakasaad sa kautusan…
“Discrimination has no place in Quezon City, especially during this time of crisis. We must put a stop to this once and for all.
Ngayong may karampatang parusa na ang diskriminasyon, umaasa akong magdadalawang-isip na ang mga nagnanais na gumawa nito.
“The Executive Order prohibits in Quezon City any act of discrimination against persons under investigation, persons under monitoring, COVID-19 infected individuals, health workers, responders and service workers are now prohibited in Quezon City.
“It also prohibits acts which include denial of access to any place or service, including housing, food and transportation due to suspected infection or exposure to COVID-19, the disclosure of the identity or personal data of a PUI, PUM or any person suspected of exposure to COVID-19, including social media posts that would result in stigma and shame to the concerned person.”
Sana nga malaki ang maitulong ng EO pero ang tanong: “Ito nga ba ang pangunahing problema sa QC ngayon? Hindi ba ang matitigas ang ulo o pasaway?” Lumalabas pa rin sa kanilang tahanan. Mga gutom na kasi e.
Hindi ba dapat maglabas din si Belmonte ng EO laban sa mga pasaway? Arestohin, kasuhan at pagmultahin ng malaking halaga para madala.
Tulad na lamang ng naging trending sa social media – sa Libis, Quezon City daw nangyari. Nagkaroon ng mass gathering – may parada at sayawan. Ang hakbangin daw ay pagpasasalamat at pagsaludo sa frontliners.
Okey, maganda ang layunin ng nanguna sa ‘pakulo’ pero naisip ba niya na isa itong malaking paglabag sa kautusan na walang mass gathering ngayon?
Kung inaakala ng mga ‘pasaway’ na natutuwa ang frontliners sa kanilang ginawa, nagkakamali kayo! Mas gugustuhin pa ng frontliners kung manatili na lamang kayo sa inyong tahanan at manalangin. Napakalaking tulong ito sa kanila at sa sarili kaysa pumarada at magsasayaw sa kalsada.
Mayor Belmonte, wala ka bang planong aksiyonan at kasuhan ang mga nanguna sa ‘katarantaduhan’ – sinasabing sa Libis, QC nangyari ito. At nararapat din siguro Madame Joy na maglabas ka rin ng EO o amiyendahan ang EO 26 at isama sa aresto at parusa ang ganitong kalokohan (parada/sayawan sa kalsada) at sa mga patuloy na lumalabag sa pakiusap na “manatili sa bahay.”
Malamang malaki ang maitutulong nito sa pagkontrol sa paglobo o pagkalat ng virus sa Kyusi.
Bawi Madame Mayor!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan