Kapamilya artists, may hatid na pag-asa at lakas sa awiting Ililigtas Ka Niya
NAGSAMA-SAMA ang mga mang-aawit ng ABS-CBN para maghatid ng lakas at suporta sa awiting Ililigtas Ka Niya at inihahandog nila ang royalties na matatanggap nila sa recording ng kanta para sa programang Pantawid ng Pag-ibig.
Muli, nagbigay si Gary Valenciano ng isang makabagbag damdaming interpretasyon ng prayer song na ito kasama ang Kapamilya singers na sina Angeline Quinto, Ebe Dancel, Erik Santos, Inigo Pascual, Janella Salvador, Jason Dy, Jaya, Jayda, Jay R, Jed Madela, Jeremy G, Jessa Zaragoza, Jona, Juris, Kyla, Lani Misalucha, Lea Salonga, Marlo Mortel, Martin Nievera, Moira dela Torre, Morissette, Ogie Alcasid, Piolo Pascual, Regine Velasquez, Toni Gonzaga, Yeng Constantino, Zephanie, at Zsa Zsa Padilla.
Ipinababatid sa awitin na isantabi ang pag-aalala at takot sa panahon ng krisis at alalahanin ang pangako ng Panginoon na ililigtas Niya ang mga tao mula sa anumang mabigat na suliranin. Ito ay isinulat at ipinrodyus ni Jonathan Manalo sa ilalim ng Star Music.
Ang kikitain ng awiting ito ay mapupunta—mula sa royalties ng online views at streams—sa programang Pantawid ng Pag-ibig na inilunsad ng ABS-CBN para makalikom ng pondong pangsuporta sa mga Filipinong apektado ang kabuhayan dahil sa community quarantine.
Gagamitin ang pondo na naipon sa pagbili ng mga pagkain at iba pang basic necessities na siyang ipaaabot sa mga Kapamilya sa pamamagitan ng tulong ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Unang ipinalabas ang music video ng Ililigtas Ka Niya sa ASAP Natin ‘To noong Linggo na sinimulan ni Gary V sa isang dasal.
Una namang napakinggan ang orihinal na bersiyon ng kanta sa longest-running action drama series sa telebisyon na FPJ’s Ang Probinsyano. Hinirang din itong Best Inspirational Recording sa nakaraang Awit Awards.
Pakinggan ang Ililigtas Ka Niya sa iba’t ibang music streaming platforms at panoorin ang music video nito sa Star Music YouTube channel.