TAMA ang desisyon o pagsuporta ni DILG Sec. Eduardo Ano sa kahilingan na pinaaalis kamakalawa ni Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, Philippine National Chief for Operation at Commander ng Joint Task Force Corona Virus Shield (JTF CV Shield) ang mga barangay checkpoint sa mga national at provincial road sa buong bansa.
Lahat kasi ng mga barangay sa bayan-bayan ay naglatag ng kanilang checkpoint simula nang ipatupad noong 15 Marso 2020 ang “enhanced communing quarantine” sa buong Luzon.
Anyway, hindi mo naman sila masisi – baka ipinag-utos sa kanila ni mayor o ng LGU sa kanilang bayan…at siyempre, nandyan rin iyong gusto lang makatiyak na walang makalulusot na may taglay ng virus.
Naiintindihan naman natin ang mga taga-barangay pero, nakagugulo sila. Bakit? Paano kasi, bawat nadaraanan na barangay checkpoint ay may kanya-kanyang alituntunin kaya nalilito ang marami lalo ang “foods frontliners” natin. Mga nagbibiyahe ng mga kalakal tulad ng bigas, gulay, prutas at iba pa.
Sa estilong ito, naaantala ang delivery ng basic needs natin, hindi lang sa Metro Manila kung hindi sa iba pang sulok ng bansa.
Kaya nang makarating ang maling estilo sa kaalaman ng JTF CV Shield, agad inirekomenda ni Eleazar kay Año na tanggalin ang lahat ng mga barangay checkpoint sa mga national at provincial road.
Tanggalin sa mga highway dahil sa nagreresulta ito sa pagkaantala ng pagpasok at luwas ng mga pangunahing pangangailan at nagdudulat ng pagkalito sa publiko partikular sa mga exempted sa home quarantine.
Nalilito ang mga exempted dahil ilang mga barangay official na akala mo’y hari – may sariling patakaran o nagpapatupad ng sariling quarantine rules and regulation na taliwas sa mga itinakdang guideline ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Tandaan sana ng mga taga-barangay, sa kautusan ng Pangulo, tanging ang IATF Guideline ang mangingibabaw sa lahat ng ECQ rules na ipinapatupad.
Bukod dito, malinaw din sa direktiba ng DILG, ani Eleazar na tanging mga PNP checkpoint lang ang papayagan sa mga national highway at provincial road, ang pinapayagang magsagawa ng inspeksiyon sa mga cargo truck na daraan habang ang mga barangay checkpoint ay sa “interior road” lang at kinakailangang may koordinasyon sa mga local police.
Ngayon, nagsalita na si Año. Tablado na ang mga taga-barangay na tila nagsisiga-sigaan sa kani-kanilang lugar. Bawal na silang maglatag ng checkpoint sa mga highway na nasasakupan ng kanilang barangay. Ibig sabihin, dapat na nilang tanggalin ang mga itinayo nilang checkpoint. Buti naman, alam naman natin, maraming barangay officials diyan na parang langaw na kapag nakatuntong sa kalabaw e, akala mo hari na sila samantalang prehuwisyo naman sila, tulad ng nangyayari ngayong ipinatutupad ang EQC.
Babala ni Año, sa mga sasaway sa kautusan, kakasuhan ang mga barangay officials na hindi susunod. Dapat lang! E paano iyan kung si mayor pala ang nagpipilit? Hindi ba sila kasama sa sasampahan ng kaso ginoong Kalihim?
Sa mga biyahero, maluwag na kayong makapagdadala ngayon ng inyong mga kalakal at kung sakaling mayroon pa rin kayong madaraanan na mga pasaway, tandaan ang lugar at ipaalam sa kinaukulan.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan