NAGKAROON ng anxiety attacks ang Kapuso actress na si Thea Tolentino.
Ito ay dahil sa Covid-19 na patuloy na namumuksa sa buong mundo.
Nakausap namin sa pamamagitan ng e-mail si Thea na umamin sa kanyang pinagdaraanang takot sa Covid-19 pandemic.
“I had anxiety attacks!
“Pero naghanap ako ng paraan para kumalma. Ngayon ko rin nare-evaluate ang sarili ko. Nag-e-exercise ako for endorphins, nanonood ng movies and TV series.”
Ano pa ang activities na ginawa niya para huwag mapraning habang nasa quarantine?
“I try to workout, magluto, pinu-push ko ang sarili ko na mag-aral ulit ng Japanese language, and makipag-bonding with my family.”
Paano niya pinangangalagaan ang sarili niya? Ang pamilya niya?
“Dahil delikado lumabas lalo na sa public places, naisip ko na time ito para kamustahin ang sarili ko and my relationship with my family.
“Importante rin ang epekto ng quarantine sa mental health natin. So we make sure to check in on each other para malaman namin ang lagay ng isa’t isa dahil bihira rin ako makauwi sa Laguna.”
Taga-Calamba City sa Laguna si Thea pero sa mga panahon ng kaabalahan niya bilang Kapuso actress ay sa Quezon City muna siya nanirahan at hindi niya nakasama ng regular ang kanyang pamilya.
At ngayon nga na lahat ng tao ay nasa bahay lamang, muling tumibay ang bonding ni Thea at ng kanyang pamilya.
“Umuwi ako sa Laguna. Kasama ko ang family ko sa bahay.”
“Mas nagiging okay ang relationship namin kasi ito ‘yung time na sama-sama ulit kami sa bahay, kompleto kami at nakakapag-kuwentuhan.”
Ano ang biggest realization niya sa mga nangyayari ngayon sa buong mundo?
“Dapat nating pahalagahan ang lahat ng nakapaligid sa atin. Ang environment, ang pamilya natin, mga kaibigan.
“At matutong respetuhin at hangaan ang ating frontliners na isinakripisyo ang kalusugan nila para lang matulungan at maprotektahan tayong lahat.”
Rated R
ni Rommel Gonzales