SINO pa nga ba ang magtutulong-tulong sa kinahaharap na krisis ng bansa – ang COVID 19? Siyempre, walang iba kung hindi tayo-tayo rin mga Pinoy para malabanan ang nakamamatay na coronavirus.
Isa sa kulturang Pinoy ang bayanihan, ang ngayon ay muling nabuhay.Tulungan sa isa’t isa.
Nang ideklara ni Pangulong Duterte ang Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ), hindi maikakaila na ang lahat ay nataranta – hindi lang dahil sa takot sa COVID 19 kung hindi sa takot din na magresulta ito sa kagutuman, lalo na ang mga kababayan natin na ang trabaho ay “no work, no pay.” Bagamat nangako naman ang gobyerno na hindi sila pababayaan. Sa katunayan, ang sabi’y magrarasyon pa nga raw sila ng pagkain.
Hindi biro ang malaking bilang ng magugutom na pamilya sa Luzon — na papakainin ng gobyerno kaya tiyak na mahihirapan ito lalo kung walang sapat na pondo.
Pero sa kabila ng lahat, mabuti na lamang at buhay ang kulturang Pinoy bayanihan. Heto nga isa sa hindi maiwasang pasalamatan ang Ayala Group of Companies (AGC) sa pakipagbayanihan.
Ang AGC ay agad naglaan ng P2.4 bilyon bilang tulong sa “response package” para sa mga apektado ng COVID-19 o sa Luzon-wide lockdown. Makikinabang sa nasabing halaga ang libo-libong empleyado/kawani na numero unong naapektohan ng lockdown dahil tigil ang trabaho pansamantala.
Katunayan maging ang renters ng Ayala sa kanilang malls ay may hiwalay na pakinabang din.
Ang AGC package ay kinapalolooban ng pampasuweldo, bonuses, leave conversions, at loan deferments na pangunahing ayuda para sa workforce ng partner-employers. Kung baga, mababayaran o buo ang makukuha nilang suweldo sa kabuoan ng pagpapatupad ng quarantine period.
Sa joint statement na ipinalabas ni Ayala Corp., Chair and Executive Officer Jaime Augusto Zobel De Ayala at Ayala President Fernando Zobel de Ayala
nitong nakaraang Martes, inihayag na ang kanilang shop renters sa Ayala Malls ay walang babayarang renta, libre o rent free.
Rent free ang shop renters na hindi makapagbubukas ng kanilang puwesto dahil sa community quarantine mula March 16, 2020 hanggang April 14, 2020. Ipinunto ng magkapatid na ZOBEL na mayroong P1.4 bilyon rent condonation ang inilaan na magagamit ng mga negosyante sa kanilang mall para mabigyan nila ng financial support ang kanilang mga empleyado sa panahon ng lockdown.
Ang package ay kinapalolooban din ng P600 milyon para sa suweldo ng kanilang mga trabahador mula sa construction sites, shuttered malls at retail space sa Makati Development Corp., at Ayala Mall Groups.
Ang GLOBE telecoms ay naglaan ng P270 milyon para sa kanilang retail store support staff at vendor partners habang ang ibang Ayala Companies ay naglaan din ng P130 milyon para sa kanilang personnel-related financial support.
Sa mga empleyado ng Ayala tuloy ang pagpapasuweldo at sinimulan na rin ang pagbibigay ng kanilang mid-year bonuses hanggang katapusan ng Marso. Hindi lang ito, kung hindi, inantala rin ang pagbabayad sa loan o utang ng mga empleyado dahil ang kanilang Ayala multi-purpose cooperative ay lumikha ng special financial assistance programs at subsidized rates.
“In these most trying times, those significantly affected by the COVID-19 situation are the thousands of workers that will be affected by the enhanced community quarantine because their places of work have been closed. These include retail workers, construction workers, service providers, security agencies and employees of many similar businesses who are largely on a no-work-no-pay type of employment,” bahagi ng mensahe ng Zobel.
Sino pa nga ba ang magtutulungan kapag ganitong may malaki tayong hinaharap na krisis? Tayo-tayo pa rin mga pusong Pinoy. Kaya napakapalad ng mga empleyado (maging ang mall renters) ng AGC dahil sa hindi matatawarang pag-unawa at pagmamahal sa kanila ng magkapatid na Zobel.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan