ISINAILALIM ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang buong bansa dahil sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Batay sa Proclamation No. 929 na nilagdaan ni Pangulong Duterte kamakalawa, idineklara niyang nasa state of calamity ang Filipinas sanhi ng COVID-19 sa loob ng anim na buwan na puwedeng mapaikli depende sa magiging sitwasyon.
Dahil dito, ipinaiiral ang “enhanced community quarantine” sa buong Luzon mula 16 Marso hanggang 12 Abril 2020 na puwedeng mapaikli o mapalawig depende sa mga magiging kaganapan.
Inatasan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan at local government units (LGUs) na magtulungan para maipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng mga mamamayan upang labanan ang COVID-19.
Nakasaad sa proklamasyon ang direktiba sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na ilaan ang puwersa para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan at panatilihin ang kapayapaan sa mga pamayanan.
ni ROSE NOVENARIO
LIBRENG
SAKAY KALOOB
NG AFP
AT MMDA
NAGKALOOB ng libreng sakay ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Metro Manila Development Authority (MMDA) at ibang bus companies para sa mga stranded sa kalye sa Kalakhang Maynila dahil sa umiiral na public transport ban bunsod ng “enhanced community quarantine” sa buong Luzon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, layunin ng libreng sakay na maihatid nang ligtas sa kanilang trabaho o kaya’y maiuwi ang health workers at iba pang exempted sa mass transport ban.
Nagpapasalamat aniya ang Palasyo sa bayanihan spirit na ipinaiiral ng mga Pinoy sa panahon ng krisis.
“We reiterate our appeal to our countrymen that self-discipline and self-help plus selfless community cooperation are the keys to the success of the Enhanced Community Quarantine in these trying and perilous times,” aniya. (RN)
MAGBAYANIHAN
VS COVID 19
NANAWAGAN si ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran sa taong bayan na magbayanihan muna laban sa Covid 19.
Ani Taduran, kung may kailangan ang kapitbahay mag share na muna.
“I also call on everyone to activate the ‘bayanihan’ spirit in this crisis. Magtulungan tayo. Kung kapitbahay mo ang nangangailangan, mag-share ka ng kung ano ang mayroon ka,” ani Taduran.
Ang pahayag ay ginawa ni Taduran sa gitna ng “enhanced community quarantine” sa buong Luzon na pinagbawalan ang publiko na lumabas sa kanilang nga bahay.
Sa kabila nito, sinabi ni Taduran, kailangan mangako ang gobyerno na tutulong sila sa araw-araw na pangangailangan ng mga tao upang manatili sa bahay.
“If our fellowmen are assured that they will have something to eat everyday, they won’t insist on finding ways to earn a living, especially those who rely on daily earning,” ani Taduran.
“Cooperation is the key to flatten the curve as COVID-19 cases increase in the country,” dagdag ng mambabatas.
Sinabi ni Taduran, ang paglalabas sa panahon ng ganitong krisis ay maaaring maging sanhi ng pagdami ng impeksiyon sa COVID-19 kagaya ng nangyari sa Italy.
“Don’t underestimate the situation. If you look at the progression of the virus in Italy and all other countries, you can see that the infection is exponential. In a matter of days, cases have doubled. In just one day in Italy, total deaths jumped from 1,441 to 1,809 or a 25% increase,” babala ni Taduran.
Ani Taduran, kailangan buhayin ang Barangay Emergency Response Teams upang malaman kung sino ang magbebenepisyo sa tulong ng pamahalaan.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, may higit P27 bilyon ilalabas ang gobyerno para maibsan ang epekto ng COVID 19.
Higit P3 bilyon sa sektor ng kalusugan ngunit higit P24 bilyon ang para sa sektor ng turismo.
Sa panig ni Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat ang paglaban sa COVID-19 ang dapat unahin ng gobyerno at hindi ang turismo.
“Fighting COVID-19 should be the priority here, and it only follows that it should get the biggest allocation. We will move forward with tourism recovery after winning the fight against the virus,” ani Cabatbat.
“There also needs to be appropriated funds to ensure food security for our poor countrymen during the enhanced quarantine period. We’re proposing for a food voucher system for those whose purchasing capacity will be affected,” dagdag ni Cabatbat.
(GERRY BALDO)