SAGOT ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang halaga ng paggamit ng coronavirus 2019 (Covid-19) test kits sa mga ospital upang maibsan ang agam-agam ng publiko.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang COVID 19 tests sa mga ospital ay sasaklawin ng PhilHealth, bukod pa sa gastusin para sa quarantine at isolation.
“Batid ng Pangulo ang pag-aalala ng taong bayan sa Covid-19 at ang banta nito sa kalusugan ng ating mga mahal sa buhay, lalo ang mga nakatatanda,” ayon kay Nograles na kasapi sa Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (TF EID).
“Dahil dito, walang dapat ipag-alala ang mga senior citizens tungkol sa medical costs and expenses. Tanging ang kanilang mabilisang paggaling ang kanilang iisipin,” dagdag niya.
Sinabi ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales kay Nograles, kasalukuyang ipinoproseso ng ahensiya ang pormalidad ng nasabing ayuda at ang detalye ng pangangasiwa ng bagong benepisyong ito.
Ani Nograles, pinagsisikapan ng pamahalaan na magkakaroon ng sapat na bilang ng testing kits upang mabilis na matukoy at malapatan ng lunas ang mga dinapuan ng COVID 19.
“Pinamamadali natin ang pamamahagi nitong kits upang magamit agad sa lalong madaling panahon,” ayon kay Dr. Raul Destura ng UP Manila.
“Ang rapid diagnostic test kit para sa Covid-19 ay itinakda nang isailalim sa field validation study, at ang UP PGH katuwang ang National Institute for Health ay nagkasundong suportahan ang pagsusuring ito,” paliwanag niya.
“Sa puntong ito, kailangan lang nilang magsagawa ng balidasyon sa pamamagitan ng 500 tests para sa Covid 19 upang magamit nila sa pagsasagawa ng clinical sensitivity analysis bilang isa sa mga kondisyong itinakda ng FDA. Kapag ang mga clinical test na ito ay pumasa, ang FDA ay magbibigay ng full access sa lahat ng pagamutan sa ilalim ng pangangasiwa ng DOH,” dagdag ani Nograles.
Ayon kay Nograles, mayroon din mga pribadong ospital na nagpahayag ng kanilang kahandaang makilahok sa field validation, at ang NIH ay umaasang makahihingi ng approval mula sa ethics committee para sa field validation sa Biyernes.
ni ROSE NOVENARIO
HUWAG MATAKOT
SA COVID-19 TESTING,
LIBRE ITO — SOLONS
INIANUNSYO ng mga kongresista kahapon sa pagdinig ng House Committee on Health na libre ang eksaminasyon ng COVID-19.
Ang pagpapa-examine kung may COVID-19 ng isang tao ay nagkakahalaga ng P6,000 pero hindi ito pinababayaran ng mga ospital.
“Wala pong bayad ‘yung P6,000 na isinasagawang testing ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM),” ayon kay Health Secretary Francisco Duque sa pagdinig ng House committee on health.
Inilinaw ni Iloilo Rep. Janette Garin, dating kalihim ng Department of Health (DOH), sa pagdinig, ang testing kit na ginagamit ng RITM ay galing sa World Health Organization (WHO).
Aniya, dapat malaman ng mga tao na walang bayad ang pagpapa-examine ng COVID-19.
“Una po ‘yung pagsusuri ng specimen ‘yung nose and throat swabs libre po ito, hindi po binabayaran ito,” ayon kay Duque.
Nauna nang inaprobahan ng House committee on appropriations na pinamumunuan ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap ang P1.6 bilyong supplemental budget para sa pagsugpo ng COVID-19 sa bansa.
“Ipinasa natin kanina sa meeting ng House Committee on Appropriations ang dalawang panukalang magbibigay ng supplemental budget sa DOH para sa patuloy na paglaban natin sa coronavirus sa Filipinas,” ani Yap.
“We are taking this seriously at patuloy tayong nagdarasal na hindi na kakalat ang sakit na ito. But what if we’re just scratching the surface at mas magiging malala pa ito, bilang mambabatas, it is our moral responsibility to ensure that we’ve done enough for the welfare of our people with the approval of this measure,” ani Yap.
“Bilang mambabatas, it is our moral responsibility to ensure that we’ve done enough for the welfare of our people with the approval of this measure,” ani Yap.
Aniya, malaking bagay din ang supplemental budget dahil mabilis kumalat ang COVID-19.
Kahapon, nasa 33 katao ang kontaminado ng virus. “Clock is ticking at araw-araw, nadaragagan ang kaso ng coronavirus sa bansa. We should treat this with sense of urgency before we suffer from the negative impacts of this crisis,” ani Yap.
(GERRY BALDO)
UNITED ARTISTS POWER
IMINUNGKAHI NI BINAY
SA COVID-19 INFOMERCIALS
IMINUNGKAHI ni Senator Nancy Binay na maaaring magsama-sama ang mga artista ng iba’t ibang television networks para sa information and awareness campaign ukol sa COVID-19.
Aniya, sa kooperasyon ng networks maaaring magtulong-tulong ang Filipino showbiz personalities para pangunahan ang kampaniya para lubos na maintindihan ang virus.
Dagdag ng senadora, maaari rin hikayatin ng entertainment personalities ang kanilang fans na tumulong para malimitahan ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Binay, maaaring makagawa ng infomercials ang mga artista at ibang talents na tiyak na magkakaroon ng impact sa sambayanang Filipino.
Sa tulong aniya ng media networks ay maaaring maipakalat at maipalabas ang omnibus infomercials para malaman ng lahat ang maaari nilang gawin para malabanan ang sakit.
Puwede rin aniya kung makakasama ang mga sports, music, at movie personalities maging ang social media influencers sa sinasabi niyang information and awareness campaign ukol sa COVID-19.
(CYNTHIA MARTIN)
PANIC BUYING
TIGILAN
— PALASYO
NANAWAGAN ang Malacañang sa publiko na huwag mag-panic buying sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, dapat bumili lamang ng mga sapat na pangangailangan.
Ang panic buying aniya ay magdudulot lamang ng hoarding at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nagbigay aniya ng garantiya ang Depart-ment of Trade and Industry (DTI) na sapat ang suplay sa pamilihan ng essential items.
Kumalat sa social media ang mga video ng panic buying na nagkakaubusan ng suplay ng alcohol, hand santizer, face mask at iba pa.
Humirit ang Palasyo sa publiko na makipagtulungan sa pamahalaan at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi beri-pikadong impormasyon dahil magdudulot ito ng panic.
Dapat umanong tiya-kin ang malinis na panga-ngatawan at ang tamang pag-uugali o gawi sa pag-ubo, pagbahing at iba pa.
“The Palace likewise appeals to our people to buy only what they need. There are reports of panic-buying. This would only result in undue hoarding and price increases. (RN)