NAGANAP ang 1986 EDSA People Power Revolution nang yumaong Jaime Cardinal Sin ay magtungo sa harap ng Kampo Crame at Kuta Aguinaldo upang alalayan ang mga sundalong rebelde laban kay Ferdinand Marcos. Nagdagsaan ang taong bayan dala ang rosaryo, bulaklak, pagkain at panalangin, at humarap sa hukbo ni Marcos na nakaumang ang mga baril at handa ang daliri sa gatilyo.
Humarang ang taong bayan, at nanalig. Napatalsik ang diktador na tuluyang hindi na nakabalik sa puwesto. Nagsimula ang buhay na wala ang tanikala ng batas-militar at tinahak ng bansa ang mabatong daan patungo sa demokrasya.
Tumambad ang katakot-takot sa suliranin na sa awa ng Diyos ay naitawid. Nagsimula ang daan ng paghilom. Maraming suliranin ang hinarap ng administrasyon ni Cory Aquino. Hindi madaling ayusin ang dalawang dekadang diktadurya ni Marcos.
Hanggang ngayon ay inaayos pa. Ipinagkait ang isang henerasyon ng matitinong pinuno.
Sila ang mga aktibistang estudyante, lider-manggagawa, manunulat, politiko, dalubhasa. Sila ang mga “desaparecidos.”
Ang tanging kasalanan nila ay maging mapanuri at kritikal sa pamamalakad noon ni Ferdinand Marcos. Naglaho sila na parang bula matapos dukutin ng mga alagad ni Marcos. Ito ang dahilan kung bakit malaki ang kakulangan sa matinong lider ngayon.
Lilosa Hilao, Primitivo Mijares, Archimedes Trajano, Ishmael Quimpo at Ferdie Arceo.
Maliban kay Mijares, mga lider-estudyante ang aming binanggit na humarap at kumuwestiyon sa pamumuno ni Marcos. Sila sana ang huhulma ng panahon upang pumalit sa mga tulad nina Jose Diokno, Eva Estrada Kalaw, at Jovito Salonga.
Nawala sila at maaaring pinaslang sa kasagsagan ng Martial Law. Pinaniniwalaang dinampot ng Metrocom at kawal ng estado, na noon ay naninilbihan bilang mga berdugo ni Marcos. Pinalitan ng mga Bong Go, Bato dela Rosa, Tito Sotto, Manny Pacquiao, at Cynthia Villar ang mga nawala.
Tinatanong pa ninyo kung bakit ganito ang uri ng mga inihahalal natin?
Simple ang sagot, dahil sa kasakiman sa kapangyarihan, ipinapatay ni Marcos ang kinabukasan na magkaroon ng matinong pamumuno. Ito ang pinakamatinding kasalanan na nagawa ni Marcos noong Martial Law.
Ninakawan niya tayo ng isang henerasyon ng matitinong lider. Ito ang kasalanan na walang kapatawaran. Never again.
***
NAGKAROON ng public hearing noong Lunes sa Senado tungkol sa renewal ng prankisa ng ABS-CBN. Kaniya-kaniyang pabibo ang mga senador sa pagkuwestiyon sa liderato ng ABS-CBN sa pangunguna ng kanilang CEO Carlo Katigbak.
Dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan ng DTI, BIR, at KBP. Iisa ang tugon nila: walang nilabag ang ABS-CBN. Walang dahilan upang hindi i-renew ang kanilang prankisa.
Lumalabas na ang banta ni Duterte na huwag palawigin ang prankisa ng ABS-CBN ay dahil hindi inere ng estasyon ang political ads niya kahit kinuha ang ibinayad ni Duterte sa ABS-CBN noong tumakbo siya sa pagkapangulo. Itinanggi ng estasyon ang paratang. Naglabas ang kanilang kinatawan ng mga dokumento na nagpapatotoo na lumabas ang lahat ng ads na inere nila nationwide. Maliban sa mga ads na lumampas na sa taning ng COMELEC.
Kung ikokompara si Katigbak sa mga senador tulad ni Manny Pacquiao, Bong Go, at Bato dela Rosa, mapupuna ang pagkakaiba. Si Carlo Katigbak ay disente, maginoo, marahan magsalita, at direct-to-the-point na sumagot sa tanong ang tatlong senador na halatang nagpo-power trip.
***
Lumalabas na si Rodrigo Duterte ay isang taong mapagganti o “vindictive.” Itinanggi ng kanyang “special assistant” na si Bong Go. Aniya: “Hindi vindictive ang pangulo, kung magiging masama ka sa kanya mas magiging masama siya sa iyo.”
Muntik ko nang maibuga ang kape ko sa screen ng computer ko pero hindi na ako nagtaka o umimik.
E bakit pa?
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman