TANONG ng isang retired police, bakit daw five percent lamang ang diskuwento sa kanilang lugar sa Maria Aurora kapag bumibili siya ng gamot at sa Puregold Supermart at maging sa iba’t ibang tindahan na may discount ang gaya niyang senior citizen. Dapat siguro ay i-lookout ito ng gobyerno ng Aurora Province. Dito sa Metro Manila ay twenty percent discount, bakit nga ba?
Mas maraming kapos-palad sa mga probinsiya, mas marami ang diskuwento sa Metro Manila?
***
Maging ilang benepisyo umano para sa senior citizen gaya ng pa-birthday o gift giving para sa araw ng kapaskuhan ay walang binibigay ang lokal na pamahalaan…
Anyare?
Dapat idulog ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na marami tayong kababayang senior citizen na binabarat!
Ayon sa impormasyong natanggap natin, five percent discount ang ibibigay at kinabukasan ay five percent uli hanggang mabuo ang twenty percent sa loob ng apat na araw!
Kenkoy ‘di po ba?
MATAAS NA MULTA SA MGA DRIVER INAANGALAN
Kapag ikaw ay nagmamaneho ng sasakyan at bumabagtas ka sa mga lugar na sakop ng Parañaque City at ikaw ay lumampas habang stop sa mga signal light sa guhit ng pedestrian lane, siguradong lumalagapak na tatlong libo ang multa mo! Makikita ka sa CCTV cam at magugulat ka na lamang kung paparahin ka ng ilang nakatalagang traffic enforcer at ikaw ay titiketan ng reckless driving!
Ang bigat… tumataginting na P3,000! Karamihan sa mga nadadale ay pawang taxi drivers! Mahirap para sa isang taxi driver ang ganito kalaking multa, magkano lang ba ang kanilang kinikita sa maghapong pamamasada?
Suwerte na sa loob ng 24 oras na pagpupuyat ay P1,000 ang iuuwi sa pamilya, pero walang labas kinabukasan. At ganoon din ang karelyebo niya kaya ang P1,000 ay dalawang araw na panggastos!
***
Sa isang banda, isa itong disiplina sa mga driver. ‘Yun nga lang sobrang laki!
NO CONTACT APPREHENSION KADUDA-DUDA
Taong 2018 at 2019 nagparehistro ang inyong lingkod para sa renewal ng aking sasakyan, pero laking gulat ko nang mag-renew ako noong January 2020 ay may violations ang driver ng aking kotse, bakit delay? Noong 2018 ay obstruction daw, noong 2019, coding daw pero walang nakalagay kung saang mga lugar?
Anong karaketan ito ng MMDA? Bale 2k ang siningil sa akin! Hindi kasi ako makapagpaparehistro para sa taong 2020 kung hindi ko babayaran ang dalawang violations, bakit ganoon?
ISUMBONG MO
KAY DRAGON LADY
ni Amor Virata