TILA napapaso ang Palasyo sa kaliwa’t kanang pagbatikos laban sa pagsikil ng administrasyong Duterte sa press freedom.
Ito ay matapos paboran ng Palasyo ang hirit na gag order ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema kaugnay sa quo warranto petition na inihain laban sa prankisa ng ABS-CBN.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagiging emosyonal na kasi ang isyu at marami nang sinasabi ang magkabilang panig.
Naniniwala si Panelo na kaya humirit si Calida ng gag order dahil tungkulin niya ito at hindi bilang buwelta laban sa mga kritiko.
Aniya, kapag naglabas ng gag order ang Korte Suprema, hindi na maaaring magsalita ang ABS-CBN o si Calida, o ang Department of Justice o kung sino pa mang sangkot sa quo warranto petition kung merito na ng kaso ang pag-uusapan dahil lalabag ito sa umiiral na batas o sub judice.
Bawal na rin magsalita ang mga artista na hayagan ang panawagan sa social media kung merito ng quo warranto ang tatalakayin.
Maaari namang magsalita aniya ang mga artista o sinoman basta’t maging handa sa posibilidad na ma-contempt.
Puwede rin aniyang magsalita ang mga mambabatas kung renewal ng prankisa ng ABS-CBN ang pag-uusapan.
Sa ngayon, nakabinbin sa Korte Suprema ang quo warranto na inihain ni Calida para ipawalang bisa ang prankisa ng ABS-CBN na nakatakdang mag-expire sa susunod na buwan.
Iginiit ni Panelo na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng prankisa ng ABS-CB at iginiit na ang Kongreso ang may tanging kapangyarihan na magpasya kung palalawigin pa ito o hindi na.
Matatandaan, makailang beses nang binatikos ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere ng kanyang campaign material noong 2016 presidential elections kahit bayad na.
ni ROSE NOVENARIO