UMALMA si Education Secretary Leonor Briones sa ulat na 70,000 batang estudyante sa Bicol region ang hindi marunong magbasa ng English at Filipino.
Sa press briefing sa Palasyo, tinawag ni Briones na eksaherado ang nasabing ulat at hindi tama na sabihing ‘no read, no write’ ang mga estudyante sa elementarya sa Bicol.
Pinaghalo kasi aniya ang bilang ng mga estudyante na nahihirapang magbasa ng Filipino at English kung kaya lumobo ang numero.
Malaking insulto aniya ito sa mga Bicolano lalo’t isa sa kanilang paaralan ang nakakuha ng mataas na rating sa Philippine Informal Reading Inventory reading o Phil-Ri.
Maaari aniyang mayroong mga estudyante ang nahihirapang makabasa ngunit hindi lubos na nakaiintindi ng kanilang binabasa.
Dahil dito kaklarohin aniya ng DepEd ang naturang datos.
Base sa pag-aaral ng Phil-Ri na isinagawa noong Hulyo at Agosto 2019, lumalabas na 70 percent ng mga batang estudyante ang hindi nakababasa.
Aabot sa mahigit 18,000 estudyante sa grade 3 hanggang grade 6 ang hindi marunong magbasa habang ang natitira ay nasa grade 1 hanggang grade 2.
(ROSE NOVENARIO)