DOKUMENTO at hindi dada ang puwedeng maging basehan sa pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ito ang inamin ng Palasyo kasunod nang pag-alma nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na inutusan ni Pangulong Duterte si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na simulan ang pagpoproseso sa pagbasura ng VFA.
Sinabi kahapon ni Panelo, Sabado kasi nang ilabas ng Pangulo ang utos kaya’t natural na hindi matatanggap nina Medialdea at Lorenzana ang utos ng Pangulo dahil wala naman pasok ang mga tanggapan ng gobyerno kapag Sabado.
Ayon kay Panelo, hintayin na lamang ngayon, araw ng Lunes para maisapormal ang utos ng Pangulo.
Hindi aniya maaring verbal lamang ang utos ng Pangulo sa pagbasura sa VFA.
“Kailangan siyempre ‘yun, may executive document or rather in writing ‘yung instruction sa opisyal mo. Hindi naman pwedeng verbal-verbal lang,”aniya. (ROSE NOVENARIO)