MALUWAG na tatanggapin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sakaling may magsusulong na dagdagan ang hazard pay ng health workers na direktang nagkaroon ng kontak sa mga nagpositibong pasyente ng novel coronavirus at iba pang uri ng mapanganib na sakit.
Ayon kay Celia Carlos, director ng RITM, malugod na tatanggapin ng kanilang hanay kung may dagdag na hazard pay.
Sa ngayon aniya, mayroong tinatanggap na standard hazard pay ang mga health worker.
Hindi kasi aniya biro na ilagay sa panganib ang kanilang buhay, upang magamot ang mga tinatamaan ng iba’t ibang uri ng sakit.
Kaugnay nito, umapela si Carlos sa publiko na huwag nang makipag-agawan sa pagbili at paggamit ng face mask kung hindi naman kinakailangan.
Payo ni Carlos, hindi kailangan magsuot ng face mask ang ordinaryong tao kung walang respiratory problem.
Mas makabubuti aniyang ilaan muna ang mga face mask sa health workers na nagreresponde sa sakit na novel coronavirus.
Samantala, sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Dr. Rabinda Abeyasinghe, ang kinatawan ng World Health Organization (WHO), kontento ang kanilang hanay sa mga aksiyon na ginawa ng Filipinas para masolusyonan ang naturang problema.
Ayon kay Abeyasinghe, kompiyansa ang WHO na kakayanin ng Filipinas na makontrol at matigil ang outbreak ng coronavirus.
Dagdag ng opisyal, naging proactive ang pamahalaan, naging alerto at aktibo at hindi nagkait ng impormasyon sa publiko.
Mahigpit din aniya ang ginawang pakikipag-ugnayan ng DOH sa WHO para sa update sa fact-based developments and approach mula sa mga medical experts.
Sa ngayon, dalawang kaso ng novel coronavirus ang naitala sa Filipinas at isa sa mga pasyenteng Chinese ang namatay.
(ROSE NOVENARIO)