MAY 300 Chinese at iba pang foreign nationals ang stranded sa Ninoy Aquino international Airport (NAIA) at iba pang airport sa bansa.
Sa Laging Handa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Bureau of Immigration spokesman Dana Sandoval, galing sa China ang foreign nationals na hindi na pinapasok sa bansa dahil sa travel ban na ipinatupad ng pamahalaan bunsod ng 2019 novel coronavirus (nCoV).
Ayon kay Sandoval, nakikipag-ugnayan ang Bureau of Immigration sa Embahada ng China.
Nangako aniya ang pamahalaan ng China na magpapadala ng eroplano sa mga susunod na araw para sunduin ang kanilang mga stranded na kababayan.
Ayon kay Sandoval, may mga Chinese din na nasa bansa pero stranded ngayon sa mga airport sa pagnanais na umuwi na rin sa kanilang bansa.
Ayon kay Sandoval, nakapuwesto ang mga stranded na foreign national sa isang kuwarto sa mga airport.
(ROSE NOVENARIO)