DEADMA ang Palasyo sa pinakabagong resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na tumaas ang bilang ng mga Pinoy na ikinokonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap.
Base sa survey ng SWS sa ikaapat na quarter ng 2019, tumaas sa 54 percent ang bilang ng mga Filipino na nagsabing mahirap sila kompara sa 42 percent na naitala noong Setyembre 2019.
Ito na ang pinakamataas na self rated poverty record mula noong 2014.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, makababawi ang gobyerno dahil magagaling ang economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Marami aniyang incoming projects na ikinakasa ang pamahalaan at nangangahulugan ito ng maraming trabaho.
Kapag nagkataon, marami aniya sa mga Filipino ang magkakaroon ng pagkakataon na gumanda ang kanilang pamumuhay.
Nagawa na rin aniya ng economic managers na makontrol noon ang inflation.
Normal na aniyang tumataas o bumababa ang bilang ng mahihirap na Filipino.
Maaari kasi aniyang nagkataon na ginawa ang survey at natanong ang isang Filipino na walang trabaho o natapos na ang kontrata o proyekto.
(ROSE NOVENARIO)