“TALK to your lawyers, hindi ka naman abogado.”
Ito ang buwelta ng Palasyo sa pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na mauuwi sa constitutional crisis ang nakaambang paghahain ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema para sa prankisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas makabubuting kumonsulta muna si Lacson sa kanyang mga abogado lalo’t hindi naman siya nakapagtapos ng abogasiya.
Trabaho aniya ng Solicitor General na maghain ng kaso laban sa sino man na lumalabag sa batas.
Ibang usapin aniya ang pagre-renew ng prankisa dahil malinaw na ang kongreso ang may pasya nito at iba rin kung may nilabag sa prankisa ang ABS-CBN.
Magkahiwalay aniya na usapin ang dalawa at hindi dapat malito si Lacson.
Nakatakdang magtapos ang prankisa ng ABS-CBN sa darating na Marso at hanggang ngayon ay hindi pa umuusad sa kongreso ang renewal nito.
(ROSE NOVENARIO)