INANYAYAHAN ni US President Donald Trump si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa US-ASEAN Summit na gaganapin sa Las Vegas sa 14 Marso 2020.
Sa kalatas na inilabas ng Palasyo kahapon, nakasaad na bukod kay Pangulong Duterte, inimbitahan rin ni Trump ang siyam na leaders ng mga bansang bumubuo sa ASEAN.
Unang inihayag ang paanyaya ni Trump noong ASEAN Summit and Related Summits sa Bangkok noong Nobyembre 2019 at inulit noong 09 Enero 2020.
Sa isang text message sa media, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala pang pasya si Pangulong Duterte kung tatanggapin ang imbitasyon ni Trump.
Matatandaan kamakailan ay kasama sa ipinasang US national budget ang probisyon na ban sa Amerika ang lahat ng opisyal ng administrasyong Duterte na may partisipasyon sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.
Ilang beses na rin sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya pupunta sa Amerika habang nakaluklok sa Malacañang.
(Rose NOVENARIO)