MAY nakahandang P1.8 bilyon para sa repatriation program ng gobyerno sa mga Filipino sa Iran at Iraq, ayon sa Department of Finance.
Sinabi ni Finance assistant secretary Rolando Toledo sa press briefing sa Palasyo na handa na ang kabuuang P1.8 bilyon standby funds anomang oras na gamitin ng gobyerno para sa ikinakasang evacuation at repatriation sa mga naiipit na Filipino ngayon sa girian ng Amerika at Iran.
Sakali aniyang hindi sumapat ang pondo, mayroon pa aniyang contingency fund na nagkakahalaga ng P13 bilyon na kailangang aprobahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para magamit.
Naghahanap din aniya ang DOF ng iba pang sources na puwedeng pagmulan ng karagdagang pondo upang magamit sa repatriation program.
Kaugnay nito, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magtutungo ngayon si Overseas Workers Welafre Administration (OWWA) Hans Cacdac sa Saudi Arabia at Kuwait, si Labor Undersecretary Bernard Olalia sa Lebanon at si Labor Undersecretary Claro Arellano sa United Arab Emirates upang plantsahin ang mga preparasyon sa paglikas ng mga migranteng Pinoy kapag tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran.
Itinatag aniya ang rapid response team kasabay nang deklarasyon ng alert level 4 o mandatory repatriation sa Iraq.
Aniya, nakikipag-usap na ang pamahalaan sa China, Russia, Canada, Germany, at Japan upang maging alternatibong destinasyon ng may dalawang milyong manggagawang Pinoy na mawawalan ng trabaho dulot ng girian ng US at Iran. (R. NOVENARIO)