KINOMPIRMA ng Malacañang na inirekomenda ng government peace panel at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na magdeklara ng ceasefire ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala pang tugon si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng dalawang grupo.
Ipinanukala ng government peace panel at NDFP na ipatupad ang tigil-putukan sa hatinggabi ng 23 Disyembre 2019 at tatagal hanggang 7 Enero 2020.
Kasabay nito, hinimok ng palasyo ang rebeldeng grupo na itigil ang limang dekadang pakikibaka laban sa pamahalaan.
Mas makabubuti aniyang magbalik-loob sa pamahalaan at itigil ang pagpatay sa kapwa Filipino.
Mahalaga aniya na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa. Sa 26 Disyembre, ipagdiriwang ng Communist Party of the Philippines ang kanilang ika-51 anibersaryo.
(ROSE NOVENARIO)