GALIT si Pangulong Rodrigo Duterte sa sablay na organizers ng 30th Southeast Asian Games (SEAG).
Ito ang nabatid kay Presidential Spokesman Salvador Panelo kahapon.
Ang Philippine Southeast Asian Games Organizing committee (Phisgoc), isang foundation na pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano, ang organizer ng SEA Games na idinaraos sa bansa.
Ayon kay Panelo, galit at desmayado ang Pangulo sa mga kapalpakang nagaganap sa SEA Games.
Para aniya sa pangulo, dapat ay ginawan agad ng paraan ng organizer ang mga aberya upang hindi ito naging dahilan ng mga alingasngas.
Ani Panelo, dapat ay may fallback ang mga organizer lalo sa pagsundo sa mga atleta para hindi maghintay nang ilang oras sa airport.
Bagaman hindi aniya maiiwasan ang mga ganitong sablay, puwede naman aniya itong maagapan, kung sa simula pa lamang ay mayroon nang contingency measures.
Aniya, hindi dapat hinahayaan ng organizer na masira ang imahen ng bansa dahil lamang sa mga ganitong uri ng sablay, lalo’t hindi lamang mga Filipino ang nakamasid dito kundi ang buong mundo.
ni ROSE NOVENARIO
TSIBOG
SA SEA GAMES
IKINAIRITA
NG PALASYO
NAIRITA ang Palasyo sa inihaing pagkain sa mga atleta sa 30th Southeast Asian Games na idinaraos sa bansa.
Kinalampag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), organizer ng SEA Games, hinggil sa klase ng pagtrato sa mga dayuhang atleta at kanilang delegasyon.
Sinabi ni Panelo, hindi niya maintindihan kung bakit tila tinitipid ang pagkain ng mga manlalaro.
Iginiit ni Panelo na pantawid gutom lamang ang kikiam at nilagang itlog na inihain sa mga dayuhang atleta.
“Hindi ko nga malaman e. Kinakain lang ‘yun kapag medyo wala ka nang makain,” sabi niya.
Ayon kay Panelo, ang ganitong uri ng pagkain ay hindi angkop sa kailangang nutrisyon ng mga atleta.
Dahil dito, pinagsabihan ni Panelo ang PHISGOC na ‘wag namang matulog sa pansitan dahil karangalan at imahen ng bansa ang nakataya rito sa mata ng buong mundo.
(ROSE NOVENARIO)