SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang drug czar o Co-Chairperson of the Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) matapos ang mahigit dalawang linggo sa puwesto.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang hakbang ng Pangulo ay bilang tugon sa panawagan ni
Liberal Party President, Senator Francis Pangilinan, na sibakin si Robredo at bilang pagtanggap sa hamon ng Bise Presidente na tanggalin siya bilang drug czar.
Ani Panelo, sinayang ni Robredo ang tsansa na magkaisa ang oposisyon at administrasyon sa pagbaka sa illegal drugs at ginamit pang oportunidad ang pagiging drug czar para atakehin ang mga pamamaraan ng gobyerno sa paglaban dito.
Nang hingin ni Robredo ang datos ng pulisya sa anti-illegal drugs operations ay inilantad agad niya ang motibo na akusahan ang gobyerno sa mga patayang naganap kaugnay sa kampanya.
Sa halip aniya makipag-usap sa Pangulo kaugnay sa kanyang papel bilang drug czar, mas minabuti ni Robredo na sa media isiwalat ang kanyang mga saloobin.
“The functions of the ICAD, as performed by its four clusters, are already spelled out in Executive Order No. 15. So is the role of its head of ensuring that the objectives of the ICAD are accomplished. If VP Robredo wanted clarification in the scope and limits of her new task, she could have sought audience with the President, which she failed to do. As always, she talked — not with her appointing authority — but right in front of the cameras asking the President on her supposed mandate,” dagdag ni Panelo.
Kung seryoso aniya si Robredo na tugunan ang ugat ng drug problem, sana aniya ay nakipag-usap siya sa mga biktima, sa kanilang mga pamilya at sa komunidad imbes unahin makipagpulong sa United Nations at mga kinatawan ng US Embassy na walang alam sa tunay na nangyayari sa drug war.
Giit ni Panelo, mas kursunada ni Robredo na makakuha ng international attention para hiyain ang bansa at nais lang gamitin sa pamomolitika ang gustong makuhang confidential information sa drug war.
“It is time to put the issue to eternal rest and bury it in the graveyard of what could have been, as well as dismiss any obstacle that impedes the government to focus on the issue at hand,” ani Panelo.
ni ROSE NOVENARIO