NABAHALA ang Palasyo sa balitang nangunguna na ang Filipinas bilang pinakamalaking rice importer sa buong mundo.
Aminado ang Malacañang na labis na nakababahala ang ulat ng United States Department of Agriculture Services na tinalo ng Filipinas ang China bilang pinakamalaking rice importer sa buong mundo ngayong taon.
Base sa ulat, papalo sa tatlong milyong metrikong tonelada ang aangkating bigas ng Filipinas ngayong taon na mayroong mahigit isandaang milyong populasyon kompara sa 2.5 milyong metrikong tonelada ng China na mayroong populasyon na 1.4 bilyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginagawan na ng paraan ni Agriculture Secretary William Dar ang problema ng mga magsasaka.
Halimbawa aniya ang pagbibigay ng irigasyon sa mga sakahan na pinakamahalagang component sa pagtatanim ng palay.
Ayon kay Panelo, batid ng pamahalaan ang mga problema ng mga magsasaka kung kaya pinagtutuunan na ito ng pansin ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
ni ROSE NOVENARIO