SA mga positibong pagbabago sa sistema ng edukasyon sa ating bansa, nakikita ko na ang malaking suporta ng kabataan sa pagsusulong natin ng kapayapaan.
Dahil mayroon tayong mga batas at programa na ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon gaya ng libreng edukasyon sa kolehiyo gayundin ang pagbibigay ng iba pang pribelehiyo sa mga kabataan na makapagtapos ng pag-aaral.
Kung babalikan natin ang kasaysayan, ang mga isyu sa edukasyon ang isa sa ipinaglalaban at isinisigaw ng mga organisasyon ng mga estudyanteng kabataan na konektado sa mga grupo ng CPP-NPA.
Nariyan ang pagtaas ng tuition at miscellaneous fees sa mga unibersidad at paaralan. Gayundin ang kakulangan sa mga pasilidad at mga guro na maituturing na haligi ng institusyong edukasyunal.
Ngunit nakikita ko ngayon ang mga isyung ito ay wala nang saysay!
***
Kamakailan ay inilunsad ng Philippine Air Force o PAF ang organisasyong Supreme Student Council Society of the Philippines o SSCSP. Naging tagapagsalita si Commission on Higher Education o CHED Commissioner Prospero De Vera.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin niya na ang positibong pagbabago sa sistema ng edukasyon ng Filipinas ay maituturing na makasaysayan sapagkat tayo lamang na developing country sa buong mundo ang nagpatupad ng programang libreng kolehiyo.
Dahil dito, maraming bansa partikular ang Malaysia ang nais tayong tularan para maipatupad ang libreng programang pang-edukasyon para sa mga kabataan.
Sinabi ni Commissioner De Vera na sa paglagda ni Pangulong Duterte ng Republic Act 10931 o Universal Access To Quality Tertiary Education Act, may 1.2 milyong kabataan sa Filipinas sa mahigit 200 public universities ang nalibre na sa tuition at miscellaneous fees.
Dagdag rito sinabi niya, mahigit 300,000 kabataan mula sa 4Ps ang nakatatanggap ng Tertiary Education Subsidy na ang isang bata na nag-aaral sa pampublikong unibersidad ay tumatanggap ng P40,000 kada taon mula sa pamahalaan.
At kapag ang bata naman mula sa 4Ps ay nag-aaral sa pribadong unibersidad ay nakatatanggap ng P60,000 kada taon mula sa gobyerno.
***
Ipinaliwanag ni Commissioner De Vera ang bagong batas na kung ang isang mag-aaral ay nasa isang pribadong unibersidad sa isang siyudad o munisipyo na walang public university ay maaari rin mag-apply sa Tertiary Education Subsidy ng pamahalaan.
Dagdag niya, mayroong 800,000 scholarships ang pinakikinabangan ng mga kabataan sa buong Filipinas.
Nandiyan pa ang pagsasaayos at pagdaragdag ng mga pasilidad sa mga pampublikong unibersidad gaya ng buildings, laboratories gayundin ang pagkakaroon ng halos 6,000 faculty positions at items sa state universities and colleges.
Bilang suporta rito, mayroong 9,000 scholarships ang iniaabot ng CHED sa mga professors upang matapos ang kanilang masters at PhD.
***
Nakikita natin na maraming aspekto ng sistema ng edukasyon sa ating bansa ang nagkaroon ng malaking pagbabago.
At sa pagbabagong ito, ang mga isyu na ginagamit upang atakehin ang pamahalaan ay natugunan at naisaayos na.
Dahil dito, naging irrelevant na ang isinisigaw ng grupo ng mga estudyanteng kabataan na konektado sa CPP-NPA patungkol sa sistema ng edukasyon.
Kung wala nang saysay ang kanilang ipinaglalaban at sabayan pa ng Campus Peace and Development Forum na isinasagawa sa mga unibersidad katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at student organizations, nakikita ko na tunay na abot-kamay na natin ang kapayapaan dahil mawawalan na ng pagkukuhaan ang mga armado sa loob ng paaaralan!
PALABAN
ni Gerry Zamudio