KINUWESTIYON ni Marikina City (2nd Dist) Rep. Stella Luz Quimbo ang gustong mangyari ng Department of Health na patawan ng buwis ang asin bilang paraan sa pagkontrol ng non-communicable diseases o NCDs.
“Sa panukalang ito, tamang pag-asin-ta ang tingin kong kailangan,” ani Quimbo.
Ang NCDs ang leading cause of death sa Filipinas at sa buong mundo. Ayon sa World Health Organization, 68% ng mga namamatay na Filipino taon-taon ay NCDs ang dahilan, at malaking factor dito ang unhealthy diet, partikular ang high salt intake.
Payo ng WHO, five grams lang ng asin ang dapat na nakokonsumo ng isang tao araw-araw. Pero base sa datos mula sa DOH, umaabot sa 11 to 12 grams ang average daily consumption natin ng asin.
“Ang tanong: tama bang magpataw ng Asin Tax? Sa totoo lang, kakaunti lang ang bansang mayroong Asin Tax. Mayroong junk food tax sa Hungary at Mexico,” pahayag ni Quimbo.
Aniya, ang pag-tax ay parang paggamit ng baril. Dapat maging maingat sa paghawak nito. Sa tamang paggamit, guns can save lives. Kung hindi naman, baka makadisgrasya o makapatay ng inosente. Kailangan asin-tahin natin kung sino o ano talaga ang target. Huwag shotgun approach!
Ayon sa National Demographic and Health Survey, ang pinakamayayaman ang may pinakamataas na insidente ng NCDs tulad ng hypertension at heart disease. Sila ay mayroong 17.2% incidence rate ng hypertension habang nasa 3.7% ang pinakamahihirap, paliwanag ni Quimbo.
Tanong niya: “Saan galing ang high salt sa diyeta ng pinakamayayaman?”
Isang source ang processed meat. Nasa 3% ng kanilang food expenditure ay para sa processed meat. Samantala, nasa 1.1% lang ng total food expenditure ng pinakamahihirap sa processed meat.
Aniya ang dapat tingnan ng DOH ay junk food bilang source of sodium at puwedeng patawan ng buwis.
”’Less essential’ naman ito kompara sa maasing ulam,” ani Quimbo.
“Kung ipapataw ang Asin Tax sa salted fish (tulad ng daing) at instant noodles, ang mahihirap ang matatamaan dito,” ayon sa kongresista ng Marikina.
Isinanguni ni Quimbo ang Family Income and Expenditure Survey na nagsasabing, 4.9% ng total food expenditure ng pinakamahihirap na pamilya ay nagagastos sa daing, instant noodles, at sardinas. Nasa 1.6% lang ang porsiyento ng salted fish and instant noodles sa pangkabuuang gastos sa pagkain ng mga mayayaman.
“Sa pagpataw ng isang malawak na buwis sa salty food, mahihirap ang unang matatamaan, when in fact it is actually the richest sector of our population that is suffering from the diseases the DOH wants to address with its proposal,” aniya.
“Baka imbes Asin Tax, mas effective pa ang malawakang information campaign tungkol sa tamang pagkain na ang makikikinabang ay lahat ng income groups,” ayon kay Quimbo.
(GERRY BALDO)