GRABE ang iyak ni Vanjoss Bayaban nang siya ang tanghaling Grand Champion sa katatapos na The Voice Kids noong Linggo ng gabi sa Resorts World Manila.
Ani Vanjoss, hindi niya inaasahang ang pangalan niya ang babanggiting Grand Champion kaya ganoon na lamang ang kanyang kaba. “Pero bago ako kumanta hindi ako kinakabahan,” kuwento ni Vanjoss pagkatapos ng show.
At nang tanungin namin kung sino ang naisip niyang puwedeng nanalo sakaling hindi siya ang nagwagi, “Si Ate Carmelle po kasi grabe ang confidence niya. Ako rin naman po. Pero magaling po talaga si Ate Carmelle. Pero magagaling po talaga kaming lahat,” nakangiting kuwento pa ng bagets.
Nang tanungin namin kung ano ang gagawin niya sa napanalunang P2-M, sinabi nitong ibibili niya ng mga sasakyan.
“Nahihirapan po kasing mag-commute si Vanjoss. Nagsusuka po siya kahit hirap kami kapag lumuluwas. Kaya napag-usapan namin na sakali nga pong eh van ang bibilhin naming para komportable siya. Puwede siyang matulog,” kuwento ng ama ni Vanjoss.
Umapaw ang suporta ng publiko para kay Vanjoss, na mula Pangasinan, sa pagtala niya ng pinakamataas na combined percentage ng text at online votes na 62.11%, at nagwagi sa mga pambato nina coach Bamboo at Lea Salonga na sina Carmelle Collado (24.74%) at Cyd Pangca (13.15%).
Sinabi pa ni Vanjoss na hindi na niya paaalisin ang kanyang mama na OFW sa Hong Kong. “Noon ko pa pinauuwi si mama nang nanalo ako ng P2,000. Pero sabi niya kulang pa raw ‘yung P2,000. Tapos nanalo uli ako ng P20,000 sabi ko sa kanya, ‘Ma, uwi ka na malaki na itong napanalunan ko. Sabi niya hindi pa rin daw kasya kasi nga maliit pa rin ang P20,000. Ngayong P2-M na hindi ko na talaga paaalisin si Mama. Buo na kami,” masayang tsika ni Vanjoss.
Nangako rin naman ang ina ni Vanjoss na hindi na siya aalis ngayong si Vanjoss nga ang nanalo sa TVK4. “Silang magkapatid na lang po ang aasikasuhin ko. Magkakasama na kami. Nagpapasalamat ako kay Vanjoss na talagang ginawa niya ang lahat para talagang hindi na kami magkahiwa-hiwalay. ‘Yan kasi talaga ang gusto niya, magkakasama kami,”sambit ng ina ni Vanjoss.
Sa dalawang araw na finals, kinumbinsi ni Vanjoss na iboto siya ng mga manonood sa pamamagitan ng pag-perform ng Habang May Buhay sa duet niya kasama si coach Sarah (Geronimo), Titanium sa upbeat showstoppers round, at isang makapagil-hiningang bersiyon ng You Raise Me Up para sa kanyang power ballad.
Bukod sa P2-M cash, nagwagi rin si Vanjoss ng recording at management contract sa MCA Music, at house and lot mula Camella na may halagang P2-M.
Giit ni Vanjoss, maagang birthday gift ang pagkapanalo niya sa The Voice Kids bukod pa sa maagang Pamasko rin sa kanilang pamilya.
Wala pang ibang plano si Vanjoss kundi nais muna niyang magtungo sa Pangasinan para pasalamatan ang mga kababayan niyang sumuporta sa kanya. “Maraming-maraming salamat po sa lahat ng sumuporta sa akin,” sambit pa ni Vanjoss.
Samantala, matindi ang naging pagtutok ng netizens sa kompetisyon dahil parehong nag-trend sa buong mundo ang official hashtags ng finals na #TVK4FinalShowdown at #TVK4GrandChampion habang inaabangan nila ang pag-anunsiyo ng nanalong young artist.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio