NAGING usap-usapan sa showbiz at sa social media ang word war ng pamosong magkakapatid na babae at tuwina’y nauuwi sa kanilang madramang pagbabati at pagkakasundo.
Huwag din magtatangkang makisawsaw sa kanilang away dahil sa huli, ‘yung kumiling sa isa sa kanila ang pagbubuntunan nila ng sisi.
Nasanay na nga ang publiko, panatiko man o detractor ng “sissies” sa kanilang paglaladlad ng away sa publiko at kung sino-sino ang kanilang partners.
Ganoon man kaeskandaloso ang kanilang buhay at pag-ibig, hindi pa rin inaasahan ng ilang nakasaksi na ang ugali nilang iyon ay ilaladlad nila sa harap ng matataas na opisyal ng pamahalaan.
Yes, Virginia, walang kaabog-abog na nagbangayan ang “the sissies” sa harap ng tatlong matataas na opisyal ng pamahalaan na nakiramay sa pagyao ng kanilang kaanak kamakailan.
Ang siste, sumali pa sa sabong (actual hindi virtual) ng magkapatid ang kanilang pamangking babae.
Walang nagawa ang tatlong matataas na opisyal kundi panoorin na lamang ang ‘derby’ ng mga hitad sa harap ng nakaburol nilang kaanak.
Mabuti na lang, walang nakapag-video ng eksena at ini-upload sa social media kundi malaking kahihiyan (tinatablan ba?) na naman sa angkan ng mga hitad.
Hindi natin alam kung lingid ba sa kaalaman ng government execs, na ang ugat ng pag-aaway ng “the sissies and the niece” ay isang sikat na negosyante na mahilig sa sugal at dating nakasuhan ng plunder.
Huwag nang magtaka kung bakit hinulasan ng kahihiyan ang mga hitad dahil ang chika ay ‘tinuhog’ ng gambler-businessman ang magkapatid at ang kanilang pamangkin.
Naging biruan tuloy na kaya ‘naaksidente’ ang isang mataas na opisyal matapos makiramay sa kanila ay dahil na-stress sa nasaksihang away ng magkakapamilya.
The Who?!
Your guess is as good as mine.
(ROSE NOVENARIO)